Isinailalim na kahapon sa heightened alert status ng Philippine National Police (PNP) ang buong puwersa nito sa Metro bilang paghahanda sa ilalargang mga kilos-protesta kasabay ng paggunita sa ika-22 taong anibersaryo ng people power sa EDSA noong 1986.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Geary Barias, epektibo alas-sais kagabi itinaas sa heightened alert status ang kapulisan sa Metro Manila para sa mga kaganapang may kaugnayan sa aktibidad bukas.
Taliwas naman sa nakaugalian tuwing may malaking mass action, hindi na aniya magpapakalat ang pulisya ng augmentation force buhat ng probinsya. Sinabi ni Barias na kumpiyansa ang mga awtoridad na hindi gaanong kalakihan ang bilang ng mga sasama sa kilos-protesta para ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kaya’t hindi na kailangan ang karagdagang puwersa ng pulisya sa Metro Manila.
Mas nakatuon umano ngayon ang kanilang atensyon sa gagawing paghahanda para sa seguridad ng February 29 protest rally ng mga militanteng grupo at iba pang cause-oriented groups na inilipat ng lugar sa Ayala Avenue, Makati City, mula sa Quirino Grandstand sa Luneta.
Samantala, nananatiling nasa ilalim ng red alert status ang militar sa Metro Manila upang makatiyak na mananatili ang peace and order situation sa gitna na rin ng mga alingasngas ng panibagong banta ng destabilisasyon at kudeta.
Ayon kay AFP-National Capital Region Command spokesman Captain Carlo Ferrer, tanging ang nasabing anti-coup unit ng militar ang hindi nagbaba ng alert status noong Lunes, ilang araw pagkatapos ng February 15 mass action sa Makati City.
Ibinaba na aniya sa blue alert status, ikalawang pinakamataas na alert level ang mga kasundaluhan sa buong bansa matapos manumbalik sa normal ang sitwasyon.
|