Gagawa ang mga kaalyado ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng senaryo para maharang ang kinatatakutan nitong people power dahil wala umanong balak ang Pangulo na bumaba sa kapangyarihan.
Ito ang isiniwalat ni Sen. Alan Peter Cayetano kaya nanawagan ito sa taumbayan na maging alerto.
Ayon kay Cayetano, ilan sa mga miyembro ng gabinete na nagdadalawang-isip nang kumalas sa administrasyon ang nangangamba sa posibleng gawin ng mga matatapat na alipores ni Pangulong Arroyo.
Naulinigan umano ng mga gabineteng ito ang maitim na balak ng mga alipores ni Arroyo tulad ng pagpapatupad ng state of emergency o mas matindi pa rito para lamang hadlangan ang people power.
“Mayroon daw silang Plan B at Plan C kapag lumala ang sitwasyon dahil wala raw talagang balak si Presidente Arroyo na umalis sa Malacañang kahit anong mangyari,” pahayag ni Cayetano.
Ilan umano sa mga senaryong gagawin ay ang pekeng palace coup o kaya palalabasin na magulo na sa buong bansa at kailangang gumamit na ng “kamay na bakal” para lamang pigilan ang pag-aaklas ng taumbayan.
“Mas nakakatakot ito dahil kung totoo man, mukhang gagawin lahat talaga ni Mrs. Arroyo huwag lang siyang maalis sa Malacañang,” dagdag pa ni Cayetano kaya dapat umanong magbantay ang taumbayan.
Minsan na itong ginawa ni Pangulong Arroyo noong Pebrero 25, 2006 kaya hindi malayong ulitin muli upang masiguro na hindi siya matatanggal sa puwesto.
Subalit ayon kay Cayetano, dapat kusang loob nang bumaba sa kapangyarihan si Arroyo upang hindi na dumating sa puntong pilitin pa itong umalis sa Malacañang.
“Para walang people power, mag-resign na lang siya. That’s the least she can do for the Filipino people,” ayon pa kay Cayetano lalo na’t epektibo na ang communal action na ipinanawagan ng Simbahang Katoliko.
Ang tinutukoy ng senador ay ang sabayang pagkilos ng mga estudyante sa iba’t ibang unibersidad sa Metro Manila tulad ng isinagawang noise barrage sa La Salle, Ateneo de Manila, University of the Philippines (UP), at iba pang eskuwelahan.
Nagbabala rin ang senador na lalong lalala ang katiwalian sa pamahalaan kapag nalusutan ni Arroyo ang pagsubok na ito sa kanyang administrasyon dahil hindi umano biro ang perang ginagastos ng administrasyon sa kanilang mga propaganda.
“Matindi ang perang bumubuhos mapagtakpan lamang ang corruption issue sa kanilang gobyerno. Papaano nila babawiin iyan. Sigurado sa corruption din,” ayon kay Cayetano.
Hindi lamang, aniya, mga print ads ang binubuhusan ng pera ng administrasyon para masira lamang si Rodolfo ‘Jun’ Lozada kundi sa iba pang paraan.
“Parang ang armas na ginagamit nila ngayon ay pera. Lahat pera. Saan galing ang perang iyan?,” ani Cayetano.
Ukol sa pagpapatuloy na imbestigasyon sa ZTE-national broadband deal sa Martes, sinabi ni Cayetano na marami pang bagong isyu ang maisisiwalat at hindi na sila umaasa na makikipagtulungan ang gobyerno dahil naipit na ang mga ito sa kanilang unang pagharap lalo na sa isyung pagkidnap kay Lozada.
Tumanggi si Cayetano na sabihin kung sino ang kanilang bagong witness dahil tiyak na gagapangin at tatakutin umano ito ng Malacañang.