Editorial

Spy on the Job

Tapatan

Out of Order


 

EDITORIAL

Kapakanan ng consumers isaalang-alang


Walang katapusang pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang ipinapatupad ng mga kumpanya ng langis sa ating bansa.

Sa loob lamang ng isa at kalahating buwan ay umabot sa P1.50 ang pagtataas.

At ayon sa mga kumpanya ng langis, may nakaamba pang pagtataas sa susunod na linggo dahil hindi pa nila nababawi ang kanilang lugi.

Hindi kaya pagmamalabis at pagsasamantala na ang ginagawang ito ng mga oil companies?

Sa ating pagkakaalam, makailang beses nang lumakas ang piso kontra dolyar bukod pa sa pagbaba ng halaga ng krudo sa pandaigdigang pamilihan.

Ibig sabihin ng senaryong nabanggit, walang dahilan para magtaas ng presyo ang mga kumpanya ng langis, kaya’t tama lamang na hingan sila ng paliwanag ng Department of Energy (DOE).

Kung tutuusin, hindi dapat paliwanag lamang ang hingin ng DOE sa oil companies sakaling mapatunayang iligal ang ginawa nilang pagtataas.

Dapat ring ipataw sa mga oil companies ang parusang iginagawad sa mga negosyante sa ating bansa na nahuhuling nagsasasamantala.

Hindi rin tamang magtaas ng presyo maya’t maya ang mga oil companies sa sandaling makaramdam sila ng pagkalugi dahil hindi awtomatiko ang ginagawa nilang rollback sa tuwing bumababa ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Kung ipagpapatuloy ng mga oil companies ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo ng walang sapat na basehan, dapat na talagang pumapel ang gobyerno.

Sa pagkakataong ito, sana’y ang kapakanan naman ng mga consumers ang kanilang isaalang-alang.

Bilang lider ng isang bansa, malaki ang ating paniniwala na obligasyon nitong solusyonan ang ganitong problema, lalo’t mayorya na ang naapektuhan dahil sa sandaling magpatupad ng oil hike, kumikilos lahat ng presyo ng pangunahing produkto kung saan ang sambayanang Pilipino ang pumapasan.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top