MIAMI --- Wala raw problema kay Shaquille O’Neal ng Miami Heat sakaling i-trade siya ng ibang koponan.
Dahil ayon sa isang malapit sa 14-time All-Star center, handa naman daw ang player sa anumang magaganap.
“Shaq thinks something will happen,” anang source.
Ayon sa ulat ng Miami Herald ang Heat ay nasa isang “serious and ongoing” trade negotiations sa Phoenix Suns habang ang South Florida Sun-Sentinel naman ay nagpahayag na maaaring maganap ang deal sa loob ng 48 oras.
Sinabi naman ng Heat spokesman na ayaw pa munang magbigay ng komento ng team at ang hindi rin nagpahayag ng kanilang panig ang Suns.
Maaaring bitawan ng Phoenix sina Shawn Marion at Marcus Banks para sa Miami kapalit ni O’Neal, na may average career-low 14.2 points at mahigit dalawang lingggo nang lumiliban sa laro dahil sa hip injury.
Noong isang linggo ay pinabulaanan ni Heat coach Pat Riley na iti-trade nila si Shaq.
Ngunit nang ang Los Angeles Lakers ay pumasok sa isang deal sa Memphis noong isang linggo para kay 7-footer Pau Gasol na nagpalakas ng kanilang lineup, nagkaroon kaagad ng mga espekulasyon kung anong kilos din ang isasagawa ng ilang mga Western Conference teams.
Hindi pa nagsasalita si O’Neal -- na may dalawa pang season sa kanyang $100 million, five-year contract -- ukol sa posibilidad na pagpayag niya sa trade. Hindi rin tiyak kung idadagdag din ng Heat si guard Smush Parker, na ilang buwan nang hindi nakakalaro dahil sa problemang legal, sa deal.
Ang four-time NBA champion na si O’Neal ay pumasok sa season na nagnanais ng isa pang titulo kung saan sinabi niyang makukumpleto lamang ang “legacy” na iiwan niya sa court kapag mayroon na siyang limang championship ring sa kanyang daliri.
Ngunit kung talagang nais niyang makuha ang ikalimang titulo ay dapat na siyang lumipat dahil ang Heat ngayon ang nagmamay-ari ng NBA worst record na 9-37 -- ibig sabihin siguradong hindi na makakahabol pa ang 2006 NBA champions sa postseason.
Bumaba rin ang kalibre ni O’Neal ngayong season kung saan matapos niyang dumaan sa isang divorce ay nag-average siya ng 11 1/2 points na mas mababa sa kanyang 25.6 career mark. Nabugbog pa ang kanyang beywang noong Dis. 22 at apat na linggong natengga.