Maagang tatapusin ng Davis Cup Team ng Japan, na ibabandera ni Takao Suzuki ang laban kontra Pinoy netters sa kanilang Asia-Oceania Zone Group I tie simula bukas sa Rizal Memorial Tennis Center.
Kumpiyansa si Suzuki, Japan’s No. 1 player, sa tsansa ng kanyang koponan, kaya’t para makasiguro, plano nilang kunin agad ang puntos sa unang araw pa lamang ng laban.
“This is going to be a tough match,” pag-amin ni Suzuki. “And we will fight from the very first point until the end.”
Kasama ni Suzuki na sasabak sa mga Pinoy netter, na pangungunahan ni Fil-Am Cecil Mamiit at Eric Taino, sina Go Soeda, Satoshi Iwabuchi, ang kaliweteng ‘doubles specialist’ at ang 19-anyos na si Yuichi Sugita.
Makakatapat ni Iwabuchi si Taino, na isa ring kaliwete at mahusay sa doubles event.
Gayunpaman, umaasa ang mga Hapones na makakapag-adjust na sila sa klima, para mas maging magaan sa kanila ang laban.
Si Suzuki, na natalo kay Danai Udomchoke, ang top netter ng Thailand, sa Australian Open kamakailan, ay nagsabing ang sobrang kapaguran ang naging sanhi ng kanyang pagkatalo roon.
Nauna nang sinabi ni Mamiit, men’s singles gold medal winner sa 24th SEA Games sa Thailand noong Disyembre, na inaasahan niya ang mahigpitang pakikipaglaban sa Japan. Katunayan, mas malaking hamon aniya para sa kanya ang makaharap ang magagaling na manlalaro.
|