Dalawang bagay lamang ang malinaw sa pagbabalik-Pilipinas ng ‘close friend’ ni Papa Romulo Neri mula Hong Kong -- dinukot o nagpadukot si Philforest President Rodolfo ‘Jun’ Lozada Jr., sa mga ahente ng gobyerno, aba’y masyadong ‘nag-inarte’ ang opisyal kaya’t ibang grupo ang sumalubong sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Sabagay, mas bongga ang ‘arrive’ ni Lozada dahil Presidential Security Group (PSG) ang tumayong escort, hindi legislative officers ng Office of the Sergeant at Arms (OSAA).
Hindi lang iyan, napaka-VIP ni Lozada sa Malacañang, mantakin n’yong sunduin sa bunganga ng eroplano at idaan sa departure, hindi sa arrival area. Take note: Mismong bossing ng NAIA ang advanced party at nagbigay ng red carpet-si general manager Angel Atutubo na napagkamalan pang ‘katutubo’ ni Father Jesus Malit. At meron pang joyride patungong Villamor Airbase, as in nalibre ng pang-taxi mula airport. Iyon lang, nagwawala ang buong pamilya dahil ibang bahay ang inuwian ni Lozada at posibleng ‘ibang nota’ ang ikakanta kapag humarap sa media lalo pa’t ahente ni Gloria ang naka-pronta
In fairness, kasing-husay ni Eugenio ‘Udong’ Mahusay Jr., ang pagkakadukot kay Lozada sa NAIA kaya’t maraming nagtanong kung napaso ang one-year ban ng Comelec sa lahat ng tumakbo noong May 14, 2007 election, aba’y inakalang nakabalik sa Malacañang si ex-Presidential chief of staff Mike Defensor dahil ‘mala-Udong Mahusay’-nag-expose sa Jose Pidal scandal -- ang ‘pagkakayari’ kay Lozada, as in iisa ang pattern ng Malacañang, walang iba kundi ‘dukutin’ ang mga testigo ng Upper House para pigilang kumanta sa mga eskandalong ikinakabit kay Gloria. Anyway, masyadong busy ngayon sa kanilang negosyo at pagsundo ng mga anak sa eskuwela si Little Mike kaya’t malabong masangkot sa ‘Lozada kidnapping’ at posibleng idol lamang ni Atutubo si Mayor Mike!
***
Napag-usapan ang katagang ‘dinukot o nagpadukot’, walang ibang dapat sisihin kundi mismong ‘close friend’ ni Papa Romulo dahil bago bumalik ng Pilipinas, ito’y naka-iskedyul sunduin sa Hong Kong ng dalawang senador noong Enero 3, araw ng Linggo pero nagbago ang isip ng opisyal. Kundi nagkakamali ang Spy, isa pang broadsheet newspaper ang nagpa-book sa Hong Kong, kasabay sa flight ng dalawang senador para maka-scoop ng interbyu, alinsunod sa instruction ng malalapit kay Lozada.
Kung natuloy ang pagsundo kay Lozada noong Enero 3, mag-overnight sa Hong Kong ang grupo at babalik ng Pilipinas, alinman sa araw ng Lunes o Martes pero nag-iba ang plano, as in ipina-abort ang operasyon. Maging ang lady reporter ng isang broadsheet newspaper, hindi pinatuloy ng kanyang mga bossing sa Hong Kong para sa isang exclusive interview dahil ikinabahala ang seguridad nito lalo pa’t posibleng masaktan o madamay kapag sumabay kay Lozada sa eroplano.
Sa orihinal na plano, susunduin si Lozada ng tatlong senador sa Hong Kong, kabilang ang boypren ni Korina Sanchez-si Senador Manuel Roxas II at kaibigan nitong si Senador Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson. Take note: pawang taga-Liberal Party (LP) ang dumi-diskarte sa operasyong ito na kabilang sa bomoto ng ‘Yes’ sa Lower House para sibakin si JDV, as in tatay ni Jose ‘Joey’ de Venecia III na testigo sa bribery at over pricing ng $330 milyong national broadband network (NBN) deal.
Kundi nagkakamali ang Spy, kamuntikan pang hindi napasama sa biyahe si Noynoy kung natuloy ang biyahe noong Linggo dahil nagkasakit ito. Pero pansinin ang nangyayari sa kapaligiran, lahat ng testigong ‘nadudukot’ ng Malacañang, palaging ‘Junior’ kaya’t mag-ingat sina Senate President Manuel Villar Jr., at Vice President Manuel ‘Kabayan Noli’ De Castro Jr., baka ma-kidnap ng mga ahente ni Gloria. Higit sa lahat-si dating House Speaker Jose De Venecia Jr., na sumisigaw ng moral revolution!
Ang nakakapagtaka lamang, sinadya bang i-leak sa media ang pagbabalik ni Lozada para masabat ng Malacañang, katulad ng kumalat sa text messages, gamit ang pangalan ng Black and White Movement? Hindi ba’t kaalyado ng Liberal Party ang grupong ito?Hindi lang iyan, alas-3:00 ng hapon bago magsimula ang sesyon ng Upper House, mismong katukayo ni Joselito Cayetano - si Senador Alan Cayetano, chairman ng blue ribbon committee ang nagkumpirma sa balita, maging sa press conference na ipinatawag, ganap alas-4:00 at inaming 12:00 ng tanghali, alam nito ang pag-uwi ni Lozada. Take note, 4:40 ang estimate arrival ni Lozada sa NAIA. Mabuti lang, walang reporter na nag-celebrate ng birthday sa Media Center kundi naiturong rason sa pagkaka-leak ng impormasyon.
Kung nakinig lamang si Lozada, ito’y hindi mapapasakamay ng mga ahente ni Gloria at hindi aagos ang luha sa mga mata ng kanyang mga kapamilya dahil plano itong isakay sa private plane mula Hong Kong, sa pamamagitan ng boypren ni Ate Korina, upang hindi makuha ng Malacañang. Ngayong nangyari ang kanilang kinakatakutan, si Lozada ang numerong may kasalanan, hindi ang sinumang miyembro ng Black and White Movement na nag-aalarma sa media at nagpakalat ng text messages tungkol sa pagbabalik-Pilipinas, maliban kung ‘nagpataas-presyo’ o merong tumibre kay Gloria?