Anumang lehitimong rason ang ilutang ng Philippine National Police (PNP) sa ginawang pagdukot at pagtago sa testigong magbibigay-linaw sa suhulan at overpricing sa national broadband deal ay hindi matatangap ng sambayanang Filipino.
Kagustuhan man o hindi ng testigong si Philippine Forest Corporation (Philforest) President Rodolfo ‘Jun’ Lozada ang pagtatago sa kanya ng PNP ay hindi rin makatwirang magpagamit ang kapulisan dahil mahalagang personalidad si Lozada na makapagbibigay-linaw sa kontrobersiyal na eskandalo sa broadband deal.
Bilang awtoridad, dapat ay alam ng PNP ang kanilang papel na mangalaga at magbigay-proteksyon sa isang indibiduwal na may mahalagang papel na gagampanan sa estado upang matuldukan ang isang kontrobersya, hindi iyong basta na lamang magpapadikta sa kagustuhan ng sinuman.
Para sa amin, walang patutunguhan ang pagtatago ng PNP sa testigo sa broadband deal dahil lilikha lamang ito ng mas matinding krisis sa ating pulitika.
Ang pinakamabuting gawin ng PNP ay ilutang ang testigo at hayaan itong humarap sa imbestigasyon ng Senado nang sa gayun ay matapos na ang lahat ng isyu sa national broadband deal.
Hanggang hindi pinapayagang magsalita si Lozada sa Senado ay mananatiling malaking isyu ito laban sa gobyernong Arroyo.
Kaya para sa katahimikan ng ating bansa at ikaaayos rin ng ating gobyerno, hayaan na lamang lumabas at magsalita si Lozada at ipaubaya na lamang sa korte anumang alegasyon ang kanyang ikakanta.
Dahil hangga’t itinatago ang isang isyu ay lalo itong pinagkakainteresan ng marami.
|