Hindi maiaalis kay dating House Speaker Jose de Venecia ang mag-umusok ng todo sa tindi ng sinapit nito sa kamay ng mga kasama at kaibigan sa loob ng “House”.
Ikaw nga ba naman ang kagatin at saksakin pa sa likod ng 174 na kaibigang sa matagal na panahon ay iyong inalagaan at pinakain sa palad.
Pagpapatalsik na pinangunahan ng matalik na kaibigan at kumpare..na inayudahan ng kanyang dalawang inaanak...at pinabayaan ng kanyang kumare sa Malacañang.
At matapos mapatalsik bilang Speaker ay patatalsikin pa ngayon bilang Presidente ng partido Lakas-CMD na kanyang itinatag kasama si dating Pangulong Fidel Ramos.
Sa pag-iinit ng punong tenga ni JDV, nasabi tuloy nito na handa siyang humarap sa Senado sa mga imbestigasyong isinasagawa nito sa mga anomalya sa gobyerno.
***
Pero hindi rin maiaalis na mapuntusan si JDV ng mga umaatake sa kanyang biglang pagsasalita ngayon.
Ayon sa kanyang kapartidong si Presidential Spokesman Ignacio Bunye... “Why did he made this allegations only now? Why up to the last minute he was projecting support of the President for his leadership?”
Ang tingin tuloy sa kanya ngayon ng Malacañang ay parang isang baby na naagawan ng candy at ngayon ay panay ang atungal.
Kaya naman para sa aking MAHAL NA PANGULO, hindi siya maaapektuhan nito. “We are focused like a laser pointed on the infrastructure boom and expansion of public services and not on politics.”
Ang hindi alam ng marami, kayang-kaya ni ate Glo ang mag-“micro manage” at pagsabay-sabayin ang kailangang trabaho habang may ibang inaatupag.
Kaya’t kahit ang malapusang pang-amoy ni Senator Allan Peter Cayetano at malabasketobolistang pagbabantay ni Senate President Manny Villar ay hindi umubra sa mga bumitbit sa airport kay Rodolfo “Jun” Lozada.
Pero ilang malapit sa Malacañang ang nagpapatunay na walang alam ang MAHAL NA PANGULO sa nangyaring “kidnapping” sa airport.
Mukhang ilang gustong magpasiklab kay Ate Glo ang gumawa nito na lalong nagpalaki sa problema.
Pati tuloy si Mamang Pulis PNP Chief Avelino Razon ay nagkakaipit-ipit sa pagpapaliwanag sa pangyayari.
***
Sa ginawang “abduction” sa airport kay Jun Lozada, nalagay tuloy sa “no win situation” ang Palasyo.
Sakaling dumating ang panahon na mapaharap na sa Senado si Lozada at wala itong bago o “explosive” na masasabi, lilitaw na ito ay gawa ng Malacañang.
Kahit pa lumitaw ang katotohanang, hindi naman pala ganon kabigat ang nalalaman nito sa ZTE controversy.
Ang magpapabigat sa sitwasyon ay sakaling tumuloy sa Senado si Smoking Joe upang duon ibulalas ang lahat ng kanyang nalalaman.
Nalalaman sa Hello Garci, nalalaman sa ZTE broadband deal, nalalaman sa manipulasyon sa pork barrel at iba pang nalalaman bilang dating kasapakat. Bilang isang dating kasama sa Mafia, marami ang maniniwala sa anumang sasabihin ni JDV gaya ng mga naniwala noon kay Chavit Singson.
Ayon kay SP Manny Villar, hindi nila iimbitahan si JDV bilang pagrespeto sa umiiral na “inter-parliamentary courtesy.”
Pero kung ito raw ay magkukusa at magsisiwalat ng lahat ng kanyang nalalaman, bukas ang Senado.
Kaya sa mga sip-sip sa Pangulo...sige buwisitin pa ninyo si tenga...nang makakita kayo ng bagong Chavit.
gerrybaja@yahoo.com