Kasunod ng paglalaho ng pangunahing testigo sa kontrobersyal na National Broadband Network-ZTE deal, ipinamamadali ni Senate President Manny Villar ang pagdaraos muli ng pagdinig-publiko ng Senado ukol sa $330 milyong kontrata.
“Dahil sa mga pangyayari, mahalaga na muling magdaos kaagad ng pagdinig-publiko. Higit sa pangunahing isyu ukol sa transaksyong NBN-ZTE ang importante ngayong pagtuunan ang umano ay pagdukot sa testigo at ang partisipasyon dito ng mga ahensya ng gobyerno,” pahayag ni Villar.
Nabigo ang mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms na silbihan ng arrest order si Rodolfo Lozada sa paliparan dahil may ibang kumuha rito.
Sinabi ni Villar na ang paglaho ng isang pasahero sa paliparan ay dapat imbestigahan dahil maaaring may paglabag sa mga karapatang pantao.
“Hindinaman maganda na nawawala na lamang ang isang pasahero ng eroplano na walang nakakakita maski na ang kanyang asawa o pamilya. Siyempre kapag naririnig natin iyang salitang tarmac o eroplano, naalala natin ang nangyari noon kay Ninoy Aquino. Iyan ay medyo may chilling effect sa ating lahat,” dagdag ni Villar.
|