Namimiligrong danasin ni Senate President Manuel Villar Jr., ang sinapit ni Pangasinan Cong. Jose De Venecia Jr., partikular ang pagkasibak sa trono matapos ilutang ng isang kasamahan sa majority bloc ang nangyayaring ‘favoritism’ sa grupo.
Kapalit ang kondisyong huwag banggitin ang kanyang pangalan, inilutang ng administration senator ang pagkakaroon ng numero ng anti-Villar forces, sa pangunguna ng tatlong miyembro ng Liberal Party (LP) na sina Sens. Mar Roxas, Rodolfo Biazon at Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.
Kaagad inilutang ng administration senator ang sobrang importansiyang ibinibigay ni Villar sa Cayetano siblings, partikular kina Sens. Pia at Alan Peter Cayetano, kapwa aniya humahawak ng malalaking committee chairmanship.
“Sobra-sobra kasing binibigyan niya ng importansiya iyong magkapatid. Hindi nakikita ni Villar ang laro ng Liberal Party ngayon. Alam ko nakikita niya ito pero hindi lang pinapansin,” anang senador.
Aniya, konektado sa pagkakasibak ni De Venecia ang galaw ng Liberal Party (LP), patunay ang pagboto ng ‘Yes’, pabor kay newly installed Speaker Prospero Nograles kung saan maaring itulak si Sen. Juan Ponce Enrile bilang kapalit ni Villar.
“Pansinin mo, kanino ba bomoto ang Liberal sa Speakership, hindi ba kay Nograles, bakit sila nag-Yes at bakit nag-NO ang NP, kasi nasa kabila ang LP ni Roxas. Ewan ko lang kung nababasa ni Villar ito,” anang senador.
|