Maugong ang usap-usapang magsasanib-puwersa sina dating Pangulong Joseph Estrada, dating Pangulong Fidel Ramos at Pangasinan Rep. Jose de Venecia Jr., matapos ang kudeta sa Mababang Kapulungan.
Ito ang impormasyong nakalap ng TONITE kung saan anumang araw ngayon ay magpupulong umano ang tatlong lider upang plantsahin ang kanilang pagsasanib-puwersa.
Kinumpirma ni De Venecia kahapon na nagkausap na sila sa telepono ni Erap at Ramos matapos siyang batiin ng mga ito sa kanyang privilege speech noong Lunes ng gabi.
“President Estrada and President Ramos has called me and congratulate me on my speech,” pahayag ni De Venecia subalit tumanggi muna itong magsalita ukol sa pakikipagsanib-puwersa sa dating Pangulo.
Subalit ayon kay opposition Congressman Rufus Rodriguez ng Cagayan de Oro City, mayroon nang initial talks sa pagitan nina Estrada at De Venecia.
“The former speaker has expressed his willingness to join the opposition,” pahayag ni Rodriguez. Kinumpirma rin nito na itinatakda na ang pagkikita nina Estrada at De Venecia.
Nabatid na aalis muna ng bansa si De Venecia para dumalo sa isang forum sa ibang bansa subalit inaasahan na pagbalik nito ay mapaplantsa na ang pakikipag-alyansa nito sa oposisyon.
Para kay Rodriguez, isang malaking asset si De Venecia sa oposisyon kapag naging pinal na ang paglipat nito ng bakuran matapos mapatalsik bilang Speaker ng Kamara noong Lunes.
Umaasa si Rodriguez na ipagpapatuloy ni De Venecia ang pagsisiwalat nito ng mga nalalaman nitong katiwalian sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo simula noong 2001.
Maging si House minority leader Ronaldo Zamora ay malaki ang kumpiyansa na makakatulong si De Venecia sa oposisyon lalo na sa 2010 presidential at senatorial election.
Samantala, pinayuhan kahapon ng Malacañang si De Venecia na mag- “graceful exit” na bilang presidente ng Lakas-CMD.
Nang matanong si Executive Secretary Eduardo Ermita kung ano ang maipapayo nito kay De Venecia, sinabi nito na ang “pinakamarangal na aksyon” na puwedeng gawin ng huli ay magbitiw bilang Lakas President upang maisulong ang higit na pagkakaisa sa partido at sa buong administration coalition.
“The most honorable thing to do is to have a graceful exit but it’s his call,” ani Ermita.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Ramos na walang magiging agarang pagbabago sa liderato ng Lakas lalo’t wala pang konsultasyon para rito kung kaya mananatili bilang Lakas president si De Venecia.
“There will be no immediate changes in the Lakas leadership set-up. This is a process that will take place over time with continuous consultations among leaders,” ani Ramos, chairman emeritus ng Lakas.
Hindi rin tutol si Ramos sa matalas na mga pahayag ni De Venecia noong Lunes ng gabi kontra kay Pangulong Arroyo dahil karapatan umano nito na sabihin ang niloloob. (With Rose Miranda)