Isang jeepney driver ang namatay makaraang pagbabarilin ng isang tanod sa loob ng barangay hall kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Namatay noon din ang biktimang si Mario Cayabyab, 51, ng Barangay Bagbagin, Valenzuela City dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo at sa iba pang bahagi ng katawan.
Sumuko naman sa Novaliches Police Station 4 ng QC Police District ang barangay tanod na si Ulysses Almario, 54, ng Doña Rosario Subdivision, Novaliches Proper ngunit nawawala umano ang ginamit nito sa pamamaril.
Sa ulat ng pulisya, bago umano naganap ang krimen bandang alas-2:30 kahapon ng madaling-araw ay inaresto ang biktimang si Cayabyab makaraan itong ireklamo ng may-ari ng isang bar and restaurant sa nasabing lugar nang hindi mabayaran ang kanyang ininom na beer, pulutan at ka-table na babae.
Dahil umano sa reklamo ng may-ari ng establisimiyento, hinuli nina Almario at kasama nitong si Robert Guntayan si Cayabyab at dinala sa kanilang barangay hall.
Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nang dalhin nina Almario si Cayabyab sa barangay hall basta na lamang nagwala ang nasawi at ayaw umanong magbayad sa nasabing bar.
“Bigla na lamang naglabas ng patalim si Cayabyab at susugurin ako kaya inunahan ko na siyang barilin,” pahayag ni Almario na kakasuhan ng homicide ng pulisya.
|