|
Tapos na ang itinakdang oras ng pulisya para sumuko ang 19-anyos na lalaking pumatay sa kanyang nobya na tourism student ng St. Paul College kung kaya’t ikinasa na ang pagtugis laban sa kanya.
Bukod sa suspek na si Kristoffer Von Moraleja ay pinaghahanap na rin ngayon ng pulisya maging ang kanyang ama na si Von Moraleja, dating pulis at kasalukuyang Barangay Executive Officer (Ex-O) sa kanilang lugar sa Pasay City.
Nabatid na kahapon ay tuluyan nang inabandona ng buong pamilya Moraleja ang kanilang bahay sa No. 234 Sarrial St., Decena, Pasay City matapos ang pamamaslang sa biktimang si Mizziele Jamyka Gutierrez, 21, nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo ni Kristoffer sa loob ng bahay ng pamilya nito.
Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya na inabutan pa ng matandang Moraleja at ng kasama nito dalawang tanod ang anak sa kanilang bahay matapos pagsasaksakin ang kanyang nobya subalit sa halip na isuko sa pulisya ay hinayaang makatakas ang suspek.
Samantala, hinimok naman ni Senior Supt. Napoleon Cuaton, hepe ng Pasay City Police ang pamilya ng biktima na maghain ng hiwalay na reklamong administratibo sa Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa ama ng suspek at sa mga tanod na sina Apolinario La Torre at Fred Mari dahil hinayaang makatakas si Kristoffer, pati na ang barangay chairman sa naturang lugar na si Marilyn Jocson. |