|
Sa kamatayan humantong ang mainitang pagtatalo ng isang magsyota nang walang awang tadtarin ng saksak ng isang kelot ang nobya nitong graduating student ng St. Paul College sa Pasay City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Mizziele Jamyka Gutierrez , 21 anyos, tourism student ng St. Paul College at naninirahan sa no. 357 A. Tirona St., Olivarez Compound, Sitio Sto. Niño, Sucat, Parañaque.
Habang ang suspect na tumakas matapos ang pananaksak ay nakilalang si Kristoffer Von Moraleja, 19-anyos, employee sa PICC at naninirahan sa # 2434 Sarrial St. Decena, Pasay City.
Lumalabas sa imbestigasyon ni PO2 Giovanni Arcinue ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay City Police na nagtungo diumano ang biktima sa bahay ng nobyo dakong alas-7:45 ng gabi kamakalawa sa hindi pa batid na dahilan.
Lumabas rin sa report ng pulisya na naaktuhan diumano ng kapatid ng suspect na si Kristian, 14-anyos ang pananaksak ng kanyang kuya.
Dahil sa nakita ay pinuntahan umano ni Kristian ang amang si Von Moraleja na dating kagawad ng Pasay City Police na nagmimiting sa barangay hall upang isumbong ang nasaksihang krimen.
Umuwi agad si Von kasama ang dalawang barangay tanod na sina Apolinario La Torre at Fred Mari at isinugod ang biktima sa Pasay City General Hospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Samantala, sinabi naman ni Senior Supt. Napoleon Cuaton, hepe ng Pasay City Police na posibleng selos ang dahilan ng mainitang pagtatalo ng dalawa na nauwi pananaksak ng suspect.
“Karamihan sa ganyang insidente sa magkasitahan ay selos ang dahilan ng pagtatalo at nauuwi sa patayan” ani ni Cuaton.
Subalit nagtaka naman ang ama ng biktima na si Alberto Gutierrez, 45 anyos, isang construction worker kung bakit hindi pinigilan ng mga rumespondeng tanod ang suspect gayung mismong ang nakababata nitong kapatid na si Kristian ang nagsumbong at nakakita sa krimen.
Nalaman pa ng ama ng biktima na naabutan pa ng mga rumespondeng tanod ang suspect sa kanilang bahay at kasama pang nagdala sa pagamutan sa biktima.
Nang puntahan ng mga imbestigador ng SIDMS ang bahay ng suspect upang kuhanan ng pahayag si Kristian kaugnay sa naganap na insidente ay nabigo ang mga awtoridad dahil wala na ang buong pamilya sa kanilang bahay.
|