IRVINE, Calif. --- Isang pamilya ang labis na namangha nang isang envelope na naglalaman ng $10,000 ang kanilang nakita sa loob ng kahon ng biskuwit na binili ni Debra Rogoff sa isang groserya.
Sa halip na maging masaya, mas nagtaka ang ginang mula sa Irvine sa natagpuan ng kanyang anak. Sino nga namang tao ang mag-iiwan ng ganun kalaking halaga sa kahon ng tinapay?
“We just thought, ‘This is someone’s money’,” wika ng ina. “We would never feel good about spending it.”
Sa halip na gamitin ang nakitang salapi sa pagsa-shopping, agad tumawag ang pamilya sa pulisya kung saan unang ipinalagay na maaaring ang salapi ay bahagi ng drug drop.
Ngunit makalipas ang ilang sandali, narinig ng pulisya mula sa store managers sa Whole Foods sa Tustin na isang matandang babae ang nagtungo ilang araw na ang nakararaan, nag-iisterikal dahil nagkamali siya nang naibalik na kahon ng crackers na may nakatagong perang inipon niya. Sa paghahalu-halo, muling in-stock ng groserya ang kahon na isinauli sa halip na suriin ang laman nito.
Nabatid na ang matandang babae mula sa Lake Forest, na itinago ang pagkakakilanlan, ay nawalan na ng tiwala sa bangko at ipinalagay na mas ligtas na tabihan ang kahon para sa kanyang pera.
Suwerte naman siya, dahil ang pamilya Rogoffs ang nakabili ng kahon ng Annie’s Sour Cream and Onion Cheddar Bunny crackers, na siyang nakakita ng malulutong na $100 bills na nasa puting envelope noong Oktubre 10.
Wala nang nabalitaan pa ang pamilya Rogoffs mula sa may-ari ng pera at wala rin silang natanggap na reward, pero muling nagbalik si Rogoff sa Whole Foods makalipas ang ilang linggo.
“I asked them if I could have another box of crackers,” aniya sabay tawa. Nagpasalamat naman ang nabanggit na groserya.
|