OAKLAND, Calif. --- Nasunog na ang nagtatanggol na kampeon sa National Basketball Association.
Iniskor ni Stephen Jackson ang walong dikit na puntos sa pandesisyong pang-apat na yugtong salakay ng tropa niya sa pagtipon ng 28 puntos nang isalya ng Golden State Warriors sa kambal na balandra ang Boston Celtics sa unang pagkakataon sa taon, 99-89, noong Biyernes dito.
Pumukol si Paul Pierce ng 21 points at nag-isyu nang limang assists at si Kevin Garnett ay sumaklolo nang 14 subalit ‘di nasustena ng Celtics ang abanteng 14 na puntos makalipas irekord ang 19 na deretsong panalo sa prangkisa na tinuldukan ng Los Angeles Lakers sa siyam na puntos na talo rin sa teritoryo ng huli noong Pasko.
Nakatakda pang sumalpok ang Celtics (may 27-4 panalo-talong rekord) sa Sacramento Kings sa Linggo at sa Portland TrailBlazers sa Martes upang kumpletuhin ang mga asignatura sa Weast Coast bago magbalik sa kanilang balwarte.
Pumuntos si Jackson ng 15 sa pinaleng bahagi at si Marco Belinelli ay nagtulos ng 22 para sa Warriors, na nakapagpako na nang limang kabit na pananaig at ika-12 sa 15 kontra Boston sa bahay. Ang tanging yukod ng Golden State ay ang 119-111 sa Boston nu’ng Nobyembre 24 sa una nilang tipanan.
Ang tres ni Kelena Azubuike sa 7:47 ang lumagare sa lamang ng Celtics, 76-74, bago nakapagsalpak si Ray Allen nang paereng tira sa kabila. Tumipa pagkaraan si Jackson nang walong sunod na puntos para sa GSW. Sinundan niya ang basket ni Allen sa 7:03 nang tress sa 6:02 para sa 79-78, at may isa pang 3 sa 5:33.
Tapos nang 3 ni Eddie House na nagtulak sa Boston sa 93-87 sa 1:17, sumablay ang dalawang tangka ng Celtics at nagbuslo si Jackson nang dalawang free throw sa nalalabing 36.2.
Sa pag-upo sa bench nina Garnett at Rajon Rondo, nakasapol si Belinelli nang magkasunod na 3-pointers sa pinaleng minuto sa third quarter para sa Warriors, na iwan sa 72-64 patungo sa final canto. Dumakdak si Ronny Turiaf para sa Golden State sa buka ng fourth, na naglapit sa tropa niya mula sa first period na nagpaligaya sa pangalawang pinakamalaking bilang ng mga manonood para sa Warriors sa season.
Nakatapos si Turiaf na may 14 pts. at 8 rebounds.
Si Rondo ay nakapagsubi ng 11 pts., 10 boards at nine feeds na may pitong turnover. Nagsyut lang siya ng 3-for-11 laban sa Lakers na may anim na puntos matapos makaiskor ng 26 at 18, ayon sa pagkakasunod, sa huling dalawang laro sa pinagsamang 19-of-26 shooting.
Sa iba pang mga resulta: iniligpit ng Miami Heat ang Chicago Bulls, 90-77; dinikdik ng Minnesota Timberwolves ang New York Knicks, 120-107; kinagat ng Charlotte Bobcats ang New Jersey Nets, 95-87; nilingkis ng Memphis Grizzlies ang Indiana Pacers, 108-105; nilukot ng Detroit Pistons ang Oklahoma Thunder, 90-88; winalis ng New Orleans Hornets Houston Rockets, 88-79;
Ginahis ng Denver Nuggets ang Philadelphia 76ers, 105-101; itinumba ng Utah Jazz ang Dallas Mavericks, 97-88; at binambo ng Toronto Raptors ang Sacramento Kings, 107-101.