Mga laro ngayon: (Big Dome)
4 p.m. -- Coca-Cola vs San Miguel Beer
6:30 p.m. -- Air21 vs Purefoods TJ Hotdogs
Itataya ng apat na hukbo ang kani-kanyang mga buhay at kamatayan sa pagsambulat ng 2008-09 KFC PBA Philippine Cup playoffs – dalawang pares ng knockout game sa wildcard phase – sa Big Dome sa Quezon City ngayon.
Magsisikap pang mabuhay nang panibagong mga araw ang magbabalaugbugan sa alas-kwatro ng hapon na sixth seed San Miguel Beer (tumapos na may tig-siyam na panalo-talo sa may dalawang yugtong eliminasyon) at ninth seed Coca-Cola (7-11).
Gayundin ang magpapang-abot sa naman dakong ala-6:30 ng gabi na No. 7 Purefoods Tender Juicy Hotdogs (8-10) at No. 8 Air21 (8-10).
Ang mga papalarin ay muling magtutuos sa Miyerkules para sa pang-apat at pampinaleng silya sa best-of-three quarterfinals, samantalang ang mga luhaan ay sasamahan na sa pagbabakasyon ang naunang napatalsik na Red Bull Energy Drink (5-13).
Bagama’t nilango ng Beermen ang Tigers sa unang tipanan sa eliminasyon noong Nobyembre 12 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City via 89-86 win, nakaresbak ang Tigers nu’ng Disyembre 12 sa nasabi ring lugar, 105-91 na isang pambulaga dahil sa sumalang na wala ang sentrong si Asi Taulava.
Kung kaya’t nakaamba sa kampo ni coach Siot Tanquingcen ang matinik na daan kontra sa Magsu-softdrinks na galing pa sa pagkatay sa Bulls noong Dis. 19 sa Ynares Center sa Antipolo City, 88-86.
Kumpara sa Magseserbesa na mula sa tatlong dikit na tilapon, na ang pinakahuli ay mga galamay ng Barangay Ginebra San Miguel sa Batangas City Sports Center nu’ng Dis. 20, 87-82.
‘Di lamang sa kasalukuyang estado ang nagpapalyamado sa Giants kontra Express kundi ang dalawangng beses na pagdiskaril ng pangkat ni Ryan Gregorio rito sa elims, 108-105 at 96-88 sa Cuneta at sa Tacloban City Convention Center, ayon sa pagkakabanggit.
Nasa kambal pang olat ang Air21, pinakabago lang ang masaklap na 109-108 desisyon sa No. 2 at pasok na sa best-of-seven semifinals na Talk ‘N Text noong Pasko sa Cubao playing venue matapos pang dumistansya ng 90-75 sa rolyo ng third period.
|