Sir, isa po akong Bikolano na masugid na tagasubaybay ninyo.
Nababasa ko na lahat ng uri ng problema na inyong tinatalakay at binabatikos lalo na po pagdating sa mga tiwaling pulis o mga paglabag sa kanilang tungkulin. Naglakas na loob na rin po ako sa dahilang isa po akong mahirap na naghahanapbuhay bilang motorized padyak.
Humigit-kumulang sa 200 motorized padyak dito sa aming bayan ay nag-aagawan araw-araw ng pasahero na ang kikitain mo ay isa o dalawang piso na lamang dahil sa mahal ng gasolina.
Ok lang po sana kung kahit papano ay nakakaraos din kami rito sa dahilang mababa rin ang mga bilihin, pero ang masakit po nito, magkakaroon ng re-routing na lalong nagkawindang-windang na ang aming hanapbuhay dahil sa bagong ordinansa ng aming mayor na si Fernando Simbulan na lalong nagkaroon ng pagkakataon na mangotong ang mga bagitong pulis at kakutsaba ang mga enforcer na ayaw pa ng 20 pesos bagkus P100 ang aregluhan kaya sa ayaw at sa gusto mo’y magbibigay ka na lamang sa dahilang mas malaking abala ang makukuha kung makikipagmatigasan ka pa sa kanila.
Sir, ‘di po ba ‘pag may bagong ordinansa na ipapatupad dapat ay may information dissemination muna para kami naman ay mapaghandaan din.
Katunayan nga, nang ipatupad ang sistemang hindi na kami puwedeng dumaan sa highway ng Diversion Road at sa likod na kami ng simbahan dumaraan tagos ng San Roque at San Miguel saka kami dadaan pabalik ng sentro na halos doon na lamang po nauubos ang aming gasolina.
Ang pinakamasakit po nito ay ang 2 kilometers na lamang ang dapat na layo naming paghahatiran kasi ‘pag lumagpas kami ay awtomatikong huli kami ng nakatalagang TMG na siyang hataw sa lahat ng klase ng sasakyan.
Pakisama na rin po ninyo ng pansin ang matagal nang proyektong nakabitin ni Mayor Simbulan ang floodway dito sa may boundary ng Sta. Lucia at Baao na talagang ang mga maggugulay na iniluluwas patungong Nabua ay hirap na hirap na po lalo ‘pag baha, tiyak iikot dahil sa lalim ng tubig na dumaraan dito.
Alam po naming kumpleto ang budget ng nasabing project pero natapos na ang kanyang termino at nabalik uli siya sa puwesto ay natabunan na ng burak ang nasabing lugar.
Batid naming hindi ito napapansin sa dahilang liblib na lugar ang proyekto kaya kahit ilang dekada ang nagdaan at kahit sinong kinatawan ng COA ay hindi makikita. Sa totoo lang po, hindi nakabuti bagkus nakasama po ito dahil ito ang humaharang sa malaking daloy ng tubig kaya ang resulta, lubog ang aming kalsada.
Sana po ay mabigyan ito ng pansin higit sa lahat ay aksyon.
Motorized padyak driver at concerned citizen
Paging Mayor Fernando Simbulan at Region V Dir. Sr. Supt. Dalligi Tira, mga sir, pakiimbestigahan nga po ninyo itong isang PO1 Legaspi na bata pa ay naghahasik na ng lagim sa mga Bikolano.
Bukas po ang aking kolum para sa inyong panig at kapaliwanagan.