Sa Miyerkules ng gabi, inaasahan na naman ang maingay na pagsalubong sa 2009 at tulad ng mga nagdaang taon, uulitin ko ang paalala sa taumbayan -- mag-ingat sa mga paputok, o kaya’y ‘wag nang gumamit ng paputok.
Nakaugalian na natin ang pagpapaputok tuwing sasalubungin ang Bagong Taon, palakasan pa nga at paramihan ng paputok. Kaya naman nitong mga nagdaang taon, palakasan din ang iyak ng mga tinatamaan ng paputok, paramihan din ang bilang mga nabibiktima.
Bata o matanda, napuputulan ng mga daliri, napuputulan ng kamay at ang iba ay namamatay sa tetanus kapag nasabugan ng paputok. Ipinakita na ito sa mga telebisyon, nababasa sa diyaryo at naririnig sa mga radyo. Tema rin ito ng kampanya ng Department of Health (DOH), kaya kung may mabibiktima pa, katigasan na lamang siguro ng ulo.
Iwasan na ang paputok dahil bukod sa malaking gastos ito, malaking disgrasya din ang puwede nitong ihatid.
Ibalik na natin ang kinagisnan nating sistema sa pagsalubong sa bagong taon ‘yung nagtatambol ng lata o batya, nagpapaingay ng mga kaldero’t kaserola, o lakasan na lamang ang radyo o sound system. Wala itong gastos, hindi rin delikado. Siyempre, ‘wag kalimutan ang pag-usal ng dasal, pinakamabisa itong pasuwerte, kaysa sa paputok.
***
Madilim na 2009 ang prediksyon ng mga ekonomista mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Kaya naman ang payo nila, iwasan ang walang habas na paggastos at magsigasig pa. Ang madilim na pagdaigdigang ekonomiya ay bunsod na rin ng paghina ng ekonomiya sa Estados Unidos, at damay dito ang iba’t ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas.
Mas malakas ang loob ng mga Pinoy sa ganitong sitwasyon, pero siyempre hindi dapat balewalain ang payo ng mga eksperto -- pag-ingatan ang hawak na salapi sa kasalukuyan.
Sa panig ng gobyerno, mailap ang kooperasyon at pagkakaisa, pero sana naman sa pagsagip sa ekonomiya ay maisakaturapan ito. Iwaksi na ang mga pansariling interes, iwaksi na ang kurakutan. Sa pamamagitan nito, tiyak na nakatayo pa rin ang mga Pinoy kahit lugmok na ang iba. Happy New Year!