Nakataas ang alerto ng lahat ng tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa buong bansa bilang paghahanda sa pagsalubong ng Bagong Taon sa inaasahang pagkakaroon ng insidente ng sunog sanhi ng mga paputok.
Ayon kay BFP-OIC Chief Supt. Rolando Bandilla, wala munang day-off ang lahat ng bumbero sa bansa hanggang matapos ang Bagong Taon upang matiyak na sapat ang mga tauhan ng BFP na reresponde sa lahat ng uri ng sunog na posibleng maganap sa nasabing panahon.
Inilagay na ni Bandilla sa full alert status ang BFP at round-the-clock na monitoring ang ipinatutupad upang mabilis na makatugon sa mga anumang insidente ng sunog at maiwasan ang pagbuwis ng buhay ng mamamayan at pagkawala ng mga ari-arian.
Nabatid na tinatayang 16,000 tauhan ng BFP sa buong bansa kung saan 60 porsiyento rito ay mga bumbero na nakatalaga sa mga city at municipal fire district.
Tiniyak din nito na ipapakalat ang tinatayang 1,300 fire trucks sa buong bansa upang magamit ng mga bumbero.
|