Sa kabila ng magkaibang bersyon ng Senado at Kamara, tiniyak kahapon ni House Speaker Prospero Nograles na hindi magkakaroon ng bangayan ang dalawang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa panukalang 2009 national budget na nagkakahalaga ng P1.4 trilyon at nakatakdang ratipikahan sa Enero ng susunod na taon.
“Yes I can assure that Senate and the House won’t fight over the budget. We work well together,” ani Nograles sa kanyang text message.
Sinabi pa ni Nograles na bagama’t nasa bakasyon ang Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso, patuloy pa rin ang kanyang pakikipag-usap kay Senate President Juan Ponce Enrile hinggil sa P1.4 trillion General Appropriations Act para ma-finalize na ito.
“The Senate President and I see eye to eye and we even work during the holidays, quietly but surely,” ayon pa kay Nograles.
Tiniyak din ni Nograles na hindi magkakaroon ng reenacted budget sa 2009 sa kabila ng magkaibang bersyon ng Senado at Kamara.
Sinabi pa nitong pipilitin nilang maaprubahan ang 2009 proposed national budget sa bicameral conference committee sa Enero 19, sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso.
|