Mawawala na ang karapatan ng bank depositor na isekreto ang kanyang bank records sa oras na aprubahan ang panukala para madoble ang maximum insurance coverage ng bank deposits mula P250,000 paakyat ng P500,000.
Ito ang ipinanukala ni Senate minority leader Aquilino Pimentel Jr., at tinanggap naman ni Sen. Edgardo Angara na maisiksik sa Senate Bill No. 2964 na inaprubahan na sa ikalawa at huling pagbasa at naghihintay na lamang ng pagpapatibay ng bicameral conference committee.
Sa bersyon ng panukala ni Pimentel, awtomatikong suspendido ang karapatan ng isang depositor sa ilalim ng Bank Secrecy Law sa oras na maghabol ito na makuha sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang perang nadeposito niya sa nagsarang bangko bunga ng pagkalugi, malpractice o iba pang kadahilanan.
“They must be open to scrutiny by the public regarding the propriety, for example, of the coverage of their deposits,” paliwanag ni Pimentel. “In effect, we are moving towards that direction where the government will have a more adequate supervision even over bank deposits,” dagdag pa ng senador.
Samantala, hindi na tinutulan ni Angara ang mga rekomendasyon ni Pimentel dahil kung ang isang banko ay bumagsak, natural lamang na alamin ng isang regulator ang mga kadahilanan kung bakit sila nalugi at nagsara.
|