December 28, 2008 - Sunday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
Isa pang multi-million scam kakalkalin

Ni Boyet Jadulco

 

Hindi pa man natatapos ang imbestigasyon ng Senado sa P728 mil­yong fertilizer fund scam noong 2004, isa na namang multi-milyong programa ng Department of Agriculture (DA) ang sisilipin ng kapulungan dahil sa ano­malyang bumabalot dito.

Sa Senate Resolution No. 824, hiniling ni Sen. Mar Roxas sa kinauukulang komite ng Senado na imbestigahan ang maano­malyang transaksyon sa National Agribusiness Corp. (NABCOR), lalo na ang pagbili ng multong post-harvest facilities para sa mga magsasaka.

Ginawa ni Roxas ang hakbang na ito matapos matuklasan ng Commission on Audit (COA) na maanomalya ang proyektong ito.

“Hindi nagtapos ang pangungurakot noong umalis si (dating Undersecretary Jocelyn Bolante) Jocjoc sa DA. Itinuloy ng administrasyon ni Pangulong Arroyo ang maling paggamit ng pera ng taumbayan at nakita sa im­bestigasyon na umabot ang kalokohan sa NABCOR,” ani Roxas.

Base sa report ng COA, tinatayang P300 milyon ang ginamit umano ng DA para sa pagbili ng post-harvest facilities ng NABCOR subalit hindi naman ito makumpirma ng COA. Bukod dito, mayroon pang P95.167 halaga ng post-harvest projects na binili rin ng NABCOR ang hindi mapakinabangan ng mga magsasaka dahil sa pagiging makaluma at hindi angkop sa sakahan.

Kinuwestyon din ng COA ang paglilipat ng P734.255 milyong halaga ng pondo ng DA sa NABCOR kung saan nagpataw naman ito ng sampung porsyentong administrative fee nang ilipat ang pondo sa non-government organizations at peoples organizations.

Bukod dito, hinugot din ng DA ang P225.22 milyon mula sa Agricultural Competitiveness Enhancement Fund at inilipat sa NABCOR para sa implementasyon ng “Competitive Food Processing and Cold Chain Operation” kahit na kulang ang kapasidad at tauhan ng tanggapang ito na isakatuparan ang proyekto.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES