December 28, 2008 - Sunday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 

Anak ng DAR chief:

‘KAMI ANG SINUGOD AT SINAKTAN!’

Nina Armida Rico at Noel Abuel
 

Lumutang kahapon ang kampo ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Nasser Pangandaman at nagbigay ng pahayag hinggil sa naganap na insidente sa Valley Golf and Country Club sa Antipolo City, Rizal noong Biyernes ng hapon.

Base sa pahayag ni Masui, Lanao del Sur Mayor Nasser Pangandaman Jr., 27-anyos, binata, ng Tierra Pura, Quezon City at anak ng kalihim ng DAR, wala umanong katotohanan ang mga naging pahayag ng mag-amang Delfin dela Paz, 56 at Bino Lorenzo, 14, hinggil sa akusasyong sangkot sila sa pambubugbog sa mag-ama.

Sa tatlong pahinang kalatas na nilagdaan ng batang Pangandaman at ng kapatid nitong si Hussein Pangandaman, 30, iginiit ng mga ito na walang nangyaring panggugulpi sa mag-amang Dela Paz.

Sa kanyang pahayag, sinabi ng alkalde na sila ang sinugod ng matandang Dela Paz na may hawak umanong bukas na payong na agad nitong isinara at bigla na lamang sinaksak sa kanyang tiyan.

Umawat umano ang isang marshal ngunit patuloy pa rin na sinasaksak ng payong ng matandang Dela Paz ang alkalde. Nakita umano ni Hussein na nasasaktan na ang kanyang kapatid kaya umawat ito.

Ngunit sinapok naman umano si Hussein ng matandang Dela Paz hanggang sa lumaban na lamang ito upang ipagtanggol ang kanyang sarili.

Nang nagbabanatan na umano ang dalawa ay umawat kunwari umano ang batang Dela Paz at ang kapatid nitong dalaga na si Marie Dhel, 18, at kinalmot sa mukha si Hussein samantalang sinuntok naman ito ni Bino.

Nabatid na nagkaroon ng pagtatalo ang matandang Dela Paz at grupo nina Pangandaman dahil sa awayan sa larong golf dakong ala-1:30 ng hapon.
Lumapit din umano si Sec. Pangandaman upang umawat at palayuin ang mag-aamang Dela Paz kung saan makalipas ang ilang minuto ay muling bumalik at nang makaharap ang mga ito si Hussein ay pinagbantaan pa umano ng ‘Ikaw, mag-ingat ka! Hindi pa tayo tapos! Gagantihan kita!”

Tumawag pa umano sa cellphone ang matandang Dela Paz at humingi ng tulong kung saan makalipas ang ilang minuto ay dumating ang asawa nito at dalawang anak na lalaki na mga armado umano ng patalim at baseball bat.

Lumutang din kahapon si Rene Maglangue, isang negosyante, na unang napaulat na bodyguard ni Mayor Pangandaman at kasamang nanakit sa mag-ama.
Sinabi ni Maglangue na nakita umano nito nang papaluin ng matandang Dela Paz ng golf club si Hussein kung saan nagawa niyang mahawakan bago pa maipalo sa huli.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES