Isa sa pinakamatandang pista sa buong mundo ang pagdiriwang sa pagsalubong ng Bagong Taon. Una itong ipinagdiwang ng mga ninuno sa Babylon may 4,000 taon na ang nakakaraan. Umaabot ng 11 araw ang pagdiriwang ng mga Babylonian sa pagsalubong ng Bagong Taon. At bawat araw ay mayroong kakaibang selebrasyon.
***
Si Numa Pompilius, ang ikalawang hari ng Rome, ang naghati sa isang taon sa 12 buwan sa pamamagitan ng pagdagdag ng dalawang buwan -- Enero at Pebrero. Ang Bagong Taon ay ginawa sa buwan ng Enero. Ngunit hindi lahat ng tao sa Rome ay tinanggap ang bagong buwan ng pagdiriwang ng Bagong Taon at nagpatuloy sila ng selebrasyon tuwing buwan ng Marso.
***
Ang Roman emperor na si Julius Caesar ang opisyal na nagdeklara ng Enero 1 upang ipagdiwang ang Bagong Taon. Ginawa niya ito noong 46 B.C.
***
Ang tradisyon ng paggamit ng sanggol bilang simbolo ng Bagong Taon ay nagsimula sa bansang Greece noong 600 B.C. Tradisyon ng mga Griyego noon na ipagdiwang ang kanilang diyos ng alak na si Dionysus, sa pamamagitan ng pagparada ng isang sanggol na nakalagay sa basket. Kinakatawan ng sanggol ang taunang pagsilang ni Dionysus bilang ‘spirit of fertility’.
***
Isa pa sa mga matatagal ng tradisyon tuwing sasalubungin ang Bagong Taon ay ang paggawa ng New Year’s resolutions. Nagsimula ito sa panahon ng mga unang Babylonians. Pinakapopular na New Year’s resolution ng mga Babylonians ang pangako na kanilang isasauli ang mga hiniram na kagamitan sa pagsasaka.
|