ISANG kaibigan namin mula sa Middle East ang nagbalita sa amin na nakulong ang isang miyembro ng isang banda na kilala sa Pilipinas.
Nahuli raw sa airport na may residue ng drugs sa dalang gamit ng nasabing band member kailan lang.
Gaano man kalaki o kaliit ang residue ng droga, walang pinapatawad ang mga police authority sa Middle East.
Nagtatrabaho sa airport ang aming source kaya madali niyang nalalaman kung may Pinoy na nagkakaproblema roon.
Sey ng aming informant, mahigpit sa airport at state-of- the-art ang facilities doon.
Hindi lang matiyak ng aming source kung nakakulong pa rin ang naturang member ng banda.
Nanghihinayang ang aming source sa nangyari, kasi nag-show ang banda sa isa sa pinakamalaking mall sa bansang tinutukoy.
Kahilera raw ng banda si Kylie Minogue na roon din nag-show.
“Kasi naman, bakit pa nagdadala ng drugs eh alam naman nilang aalis sila at ang higpit-higpit sa airport!” sambit ng aming kausap.
Ang nasabing Pinoy band ay may ineendorsong mga produkto.
Maari kaming i-email sa reypumaloy@yahoo. com sa anumang impormasyong maibahagi ninyo tungkol dito.
***
Nasisisi ang manager ni Marian Rivera na si Popoy Caritativo sa walang katapusang bira at banat sa aktres.
Sabi-sabi, hindi gumagawa ng paraan si Popoy para humupa ang negative publicities kay Marian.
Wala raw damage control ang manager para hindi magkasunud-sunod ang bira kay Marian ng press.
Nang makausap namin si Popoy kamakailan, ipinaliwanag niyang may mga hakbang siyang ginawa pero hindi niya kontrolado ang press at hindi niya alam kung ano pa ang susunod na negative issues sa alaga niya.
Ayaw na lang banggitin ni Popoy pero tukoy niya kung saan nanggagaling ang paninira kay Marian.
“Karamihan ng negative issues kay Marian, lalo ‘yung comments about her, doon nanggagaling.
“Hindi ko sila pwedeng panghimasukan o kausapin, kasi, diretso na ‘yung tingin nila sa kung ano ang gusto nilang gawin.
“Naiintindihan ko kung ano ang intensyon nila pero sana, maawa naman sila kay Marian.
“Sana, kung gusto nilang tirahin ‘yung tao, on a professional level na lang, hindi ‘yung pinepersonal nila ‘yung tao.
“Inuulit ko, wala akong against sa press. Nakatulong nang malaki ‘yan sa mga alaga ko. Naiintindihan ko rin na may ibang hindi talaga gusto si Marian, okey lang. Pero sana, huwag namang masyado,” pakiusap ni Popoy.
Hindi raw nagkulang si Popoy na paalalahanan si Marian pagdating sa pakikitungo nito sa press. Nakikita naman daw niya ‘yung effort ng alaga.
Nagkataon lang daw na hindi talaga kilala ng aktres ang ibang press.
Nagkataon rin na sunud-sunod ang trabaho nito kaya umiikot lang ang mundo nito sa taping at iba pang commitment.
Ipinagdiinan ni Popoy na wala silang alitan o tampuhan ni Boy Abunda. Magkaibigan pa rin sila nito hanggang ngayon.
‘Yung insidenteng nagpaliwanag si Boy tungkol sa kaugnayan niya sa dating boyfriend ni Marian na si Ervic Vijandre ay hindi nakaapekto sa kanilang friendship.
Hindi rin itinatanggi ni Popoy na magkaibigan sila ni Kris Aquino at madalas silang mag-usap sa telepono.
Nagugulat lang si Popoy dahil hanggang sa Davao may isyu sa alaga niyang si Marian.
Ito ‘yung isyung supladita, maldita at maarte si Marian sa mga empleyado ng Phoenix Petroleum na ineendorso ng aktres.
Ang tsismis, minaldita ni Marian ang mga nagnanais na makita at makamayan siya. Para hindi raw siya maistorbo, nagkunwari raw itong pilay pero pagdating sa airport, lakad daw nang lakad ang aktres.
“‘Yun nga, eh. Meron kasi silang sinasabi na bibisita sa affair ng company. Sinabi ko sa kanila na baka magkaproblema.
“Hindi ko sinasabing ‘yun ang nagkalat pero kasi kahit paano, hindi pwedeng hindi pagdudahan, eh.
“Nakarating na sa may-ari ‘yung isyu. Tumawag nga sa akin. Sinasabi nilang hindi sa kanila nanggaling ‘yung balita dahil happy sila sa pag-e-entertain sa kanila ni Marian.
“Nagagalit nga ‘yung mga taga-Phoenix. Sabi nila, sila na ang gagawa ng move para maipagtanggol si Marian. Humihingi rin sila ng paumanhin, kasi nga, nagkaroon pa ng issue,” kuwento ni Popoy.
Nilinaw ni Popoy na hindi damage control kay Marian ang inorganisa nilang press party bago mag-Pasko.
“‘Yung party, hindi lang galing kay Marian ‘yun. Nandu’n din si Dennis (Trillo), si Mart (Escudero) at saka ako. Hindi damage control ‘yun, thank you party ‘yun. Pasasalamat namin sa lahat ng nakatulong sa mga talent ko.
“Kasi nga, kahit nga sunud-sunod ‘yung mga isyu maganda pa rin ang takbo ng career nila,” patuloy ni Popoy.