LOS ANGELES (AP) –-- Tinapos na ng Los Angeles Lakers ang 19-game winning streak ng Boston nang palasapin ng 92-83 pagkatalo sa mismong araw ng Pasko ang NBA defending champions Celtics sa una nilang pagtatagpo sapul noong finals ng nakaraang season.
May 27 points, nine rebounds at five assists si reigning MVP Kobe Bryant, iginuhit ni Pau Gasol ang pito sa kanyang 20 markers sa huling tatlong minuto, at sumandal sa matikas na laro sa end-game ang Lakers para ibigay kay head coach Phil Jackson ang kanyang 1000 career win.
Huling nagkita ang mahigpit na magkaribal sa Game 6 ng 2007-2008 Finals kung saan tuluyang tumiklop ang Lakers, 131-92, at nakuha ng Celtics ang kanilang unang championship sa loob ng 22 taon at league-high 17th title.
Pahiya rin ang Lakers sa Game 4 ng finals series nang makahulagpos ang 24-point second quarter lead sa Staples Center kaya nalubog noon sa 3-1, isang deficit na hindi pa naaahunan sa finals.
Simula pa noong 1960s ay mainit na ang karibalan ng dalawang teams, 11 ulit nagtagpo sa finals pero malayo ang lamang ng Boston, 9-2.
“We’ve been waiting for that opportunity for a long time, and we won,” ani Lakers guard Sasha Vujacic, nag-ambag ng 10 points. “I don’t like them at all. A lot of people called us softies or whatever. It doesn’t matter at all. We know what we can do.”
Si Jackson ang pang-anim na NBA coach na nakasungkit ng 1000 panalo. May career record 1,000-423 ang 63-anyos na si Jackson sa 17 season bilang coach ng Chicago Bulls at Lakers. Siya ang pinakamabilis nakakuha ng 1,000 won games, nalaktawan si Pat Riley na nakagawa nito sa loob ng 1,434 games.
“It’s amazing. I mean, he’s one of the greatest coaches of all time,” bulalas ni Celtics coach Doc Rivers. “I can guarantee you that I won’t win 1,000 games because I won’t be around that long. It’s just an amazing number. When you throw up 1,000 wins, that says a lot.”
Pumasok sa laro ang Boston hawak ang 27-2 record, fastest start ng isang team na may two-loss record. Mukhang maitatakas pa nga ang panalo sa dunk ni Kevin Garnett mula sa assist ni Rajon Rondo na nagbigay sa kanila ng 81-79 lead 3:57 pa sa orasan, pero rumatsada ng 13-2 run ang Lakers para tapusin ang laro.
Sablay ang unang apat na tira ni Gasol, pero pumasok lahat ang tatlong tira at tatlong free throws sa fourth para hamigin ang siyam sa 21 points ng Los Angeles sa period. Pinuri ni Jackson ang magandang depensa ng kanyang team sa last period nang limitahan sa 16 points ang Celtics mula sa 8-of-19 field goal shooting at 0-for-7 sa 3-pointers.
Nagdagdag ng 10 points at seven rebounds si Lamar Odom habang may nine points at seven rebounds si Andrew Bynum para sa Lakers (24-5).
Sa iba pang resulta, panalo ang San Antonio Spurs kontra Phoenix Suns, 91-90; naitakas ng Cleveland Cavaliers ang 93-89 win laban sa makulit na Washington Wizards; dinomina ng Orlando Magic ang New Orleans Hornets, 88-68; habang ang Dallas Mavericks ay nangibabaw laban sa Portland Trail Blazers, 102-94. |