Asahan na ang paghahasik ng bagsik ni Cyrus Baguio kapag nagsuot ng jersey ng Air21 sa laban ng Express bukas, Linggo, kontra Purefoods sa wildcard phase ng 2008-09 KFC PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Kinumpirma ni Air21 team manager at governor Lito Alvarez na nakuha na nila si Baguio, kasama si veteran point guard Celino Cruz, mula sa Red Bull Barakos kapalit ng 2011 at 2012 first round picks ng Express.
Noong lang Dec. 16 ay pinakawalan ng Air21 si Ranidel De Ocampo na napunta sa Talk ‘N Text kapalit ni Don Allao.
Si De Ocampo ang nagbaon sa dating team nang pumasok ang last-second jumper nito kamakalawa na nagsampa sa Tropang Texters sa semis at nagpadausdos sa Express sa wildcard.
Sa paglipat sa Air21, kasama sa resume ni Baguio ang averages na 14.1 ppg, 3.6 rebounds, 3.0 assists at 2.0 steals sa 18 laro ngayong buong eliminations ng kasalukuyang conference.
Binansagang Typhoon, malaking tulong sa Express ang bilis at open-court brand ng laro ng 6-foot-2 guard/forward na si Baguio, 14th overall pick ng Red Bull noong 2003 mula University of Santo Tomas.
Si Cruz ay may average namang seven points at four assists sa 18 games din para sa Barakos.
“If there is a player who absolutely fits to our system, it is Baguio,” ani Air21 coach Bo Perasol.
“He and Celino are great addition to our team.”
Bago ang enkuwentro ng Express at Tender Juicy Giants ng 6:30 pm bukas ay magkakaldagan muna ang Coca-Cola Tigers at San Miguel Beer sa pambungad na laro ng 4 p.m. |