Dec. 27, 2008 Saturday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
SPORTS NEWS


  PINAKYAW NI PACQUIAO
Ni Virgi T. Romano
 
Manny Pacquiao  - -   Pacman, Pambansang Kamao, The Destroyer,  The Mexicutioner, No. 1 pound-for-pound  at ngayo’y bagong PPV king.
Isama pa rito ang iba’t ibang karangalang ipinagkaloob sa Filipino ring icon, na bunga ng kanyang ‘di mapapantayang kontribusyon sa isport, partikular ang performance niya ngayong taon ng ‘Daga.’ Nariyan ang Yahoo! Sports, WBC, ESPN, Boxingscene, at iba pang boxing websites na hindi maikakaila ang pagkilala sa kakayahan ng Pambansang Kamao.
Sumandal na lamang sa lubid si Oscar De La Hoya para hindi bumagsak mula sa pinakawalang kumbinasyon ni Filipino ring icon Manny Pacquiao, sa kanilang ‘Dream Match’ noong Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.

Lahat ng maaaring ika­bit sa pangalan ni Pacquiao ay karapat-dapat lamang.
Dahil kung susumahin, mapa-sports, pulitika, showbiz at iba pang lara­ngan, tanging ang pangalan lamang ni Pacquiao ang nakapagpapagaan ng lahat.
Kahit hirap ang mga Filipino sa buhay, ang bawat tagumpay ni  Pacquiao sa ibabaw ng ring ay sapat na para kahit papaano’y makalimutan ang kahirapan.
Hindi nga ba’t sa tuwing may laban ang Pambansang Kamao ay pansumandaling nagkakaisa ang bawat Filipino para suportahan siya?
Sa kanyang pinakahu­ling laban noong Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, pinababa ni Pacquiao sa pedestal ang Golden Boy ng professional boxing na si Oscar De La Hoya.
Bago nagsara ang 2008, muli na namang nakalasap ng kabiguan si Rey “Boom Boom” Bautista noong Nobyembre 22 sa kamay ni Heriberto Ruiz via unanimous decision.
Bunga nito, naudlot na naman ang pagbangon ni Bautista, sa kabila ng tatlong sunod na tagumpay na itinala matapos niyang matikman ang kauna-una­hang kabiguan noong nakaraang taon sa kamay ni Daniel Ponce de Leon.
Matapos ang laban kay Ruiz, marami ang nagsasabing dapat nang maghanap ng bagong trainer si Bautista.
Bago ito, ang isa pang sinasabing potensyal na maging world champion na si Michael Domingo, ay hindi napalaban sa US, matapos maeksaming positibo sa hepatitis B.
Sa kabuuan ng taong 2008, tanging si Pacquiao, sampu ng kanyang kapwa boksingero ang nagsalba na naman maging sa Philippine sports.
Hindi nga ba’t bokya at itlog ang nakuha ng Philippine team  sa Beijing Games?  Pero, nandiyan si Pacquiao. At ang iba pang boksingero na nagbigay-karangalan sa Pilipinas.
Nandiyan sina Gerry Peñalosa (WBO bantamweight champion),  Nonito Donaire Jr. (IBF flyweight king), Donnie Nietes (WBO minimumweight holder), at ang iba pang pawang mga international at regional champions.
Tatlong malalaking laban at tagumpay ang binuno ni Pacquiao nga­yong taon -- Juan Manuel Marquez, David Diaz at De La Hoya.
Ang mga tagumpay ay naglagay sa Pilipinas sa mapa, lalo na ang pinakahuli.
Naagaw ni Pacquiao ang pagiging ‘No. 1 pay-per-view’ king ni De La Hoya.
Naselyuhan din ni Pacquiao ang pagiging No. 1 pound-for-pound king, na dating inookupa ni Floyd Mayweather Jr.
At sa papasok na taong 2009 -- ‘Year of the Ox’, --  may malalaking laban pa ring kinakaharap si Pacquiao.
Mga laban na kung mapagtatagumpayan ay malaking karangalan pa rin sa Pilipinas.
Gayunpaman, sinasabing hanggang 2009 na lamang lalaban si Pacquiao at pagsapit ng 2010 ay isasabit na ang kanyang gloves, upang pasukin ang isa pang larangan -- ang pulitika.

 


Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES