Simula na nga kaya ito ng lantarang rivalry ng San Miguel at PLDT hindi lamang sa telecom business kundi pati na rin sa paramihan ng team sa PBA league?
Kamakailan lamang, lumagda ang San Miguel Corporation ng one billion dollar deal sa Qatar Telecom, nag-o-operate sa may 16 na malalaking bansa at nasasakupan ang may 500 milyong populasyon.
Dahil sa joint venture na ito ng SMC at QTeal, sinasabing isang malaking palatandaan ito na hindi na mamomonopolya ng PLDT ni Manny V. Pangilinan ang telecom business sa Pilipinas. Tungkol sa sinasabi kong paramihan ng team sa PBA, balitang gagamitin ni Pangilinan ang Burger King sa darating na second conference sa Marso.
Sinasabing 30 porsiyento ang biniling stake ni Pangilinan sa Burger King, 60 percent si Mikee Romero ng Harbour Centre at 10 percent naman kay Bert Lina, owner ng Air21.
Hindi pa malinaw kung paano maipapasok ni Pangilinan ang Burger King sa PBA, pero siniguro na ni Romero na kumpleto na sila ng line up sa second conference sa Marso.
Ang isang malaking senyales na ang Air21 ang magsisilbing tulay ni Pangilinan sa pagpasok ng pangalawang team sa PBA ay ang pagkakuha nito kina Cyrus Baguio at Celino Cruz sa Red Bull.
Kaya lang may isang balakid na kakaharapin si Pangilinan sa gagawin niyang paglalagay pa ng isang team at iyan ay ang San Miguel, na meron na ring dalawang team na minamantine sa PBA sa kasalukuyan.
Siyempre ang lahat ng team na papasok ay dadaan pa rin sa maselang scrutiny ng PBA board kaya asahan ang umaatikabong balitaktakan ng mga board member ng SMB at Talk ‘N Text sa meeting.
Siyanga pala, hindi pa nag-iinit ang talampakan nitong si Baguio sa Air21, heto’t gusto na umanong dekwatin ni Chot Reyes ng Talk ‘N Text.
Hindi pa yata satisfied si Reyes sa present line up niya o puwede ring kabado o gustong siguruhing mabibigyan niya ng championship si Mr. Pangilinan.
Kaso papayag naman kaya ang mga taga-Burger King na sinasabing buo na ang line-up sa kanilang gagawing pagsabak sa PBA ngayong 2009.
Kung paano makakapagpasok ng bagong team si Pangilinan sa PBA, iisa lamang ang ipinapalagay na susing gagamitin ni Pangilinan at iyan ay ang Air21 ni Bert Lina. Ano sa palagay ninyo? |