Naisulat kong isa na yata sa pinakamalungkot na lugar tuwing sasapit ang Pasko ay doon mismo sa Bethlehem, kung saan pinaniniwalaang isinilang si Hesus. Simula ng pumutok ang tila wala nang katapusang away sa pagitan ng mga Palestino at Hudyo, hindi na nakakita ng kapayapaan ang Bethlehem, at buong Israel na mismo. Pero itong nakaraang Pasko, sa kauna-unahang pagkakataon ayon sa CNN, ay nagkaroon ng buhay sa Bethlehem. Salamat sa pag-uusap ng mga Hudyo at Palestino na magkaroon na ng tunay na ceasefire (maski du’n lang sa maliit na bayan ng Bethlehem), upang maidaos ng mga Kristiyano at ng mangilan-ngilang naglakas-loob na turista, ang selebrasyon ng birthday ni Hesus. Tandaang ang away sa Israel ay sa pagitan ng mga Hudyo (Israelis) at Palestino. Hindi kataka-takang pakonti ng pakonti ang mga Kristiyano roon, na wala namang kinalaman sa giyera nila, pero sapilitang naitataboy. Maski ang pagbisita ng mga Kristiyano sa mga reliyosong lugar tuwing Semana Santa, ay nalimitahan o hindi tuluyang mapasok. Kaya naman du’n sa misa at sermon ni Pope Benedict XVI nu’ng Pasko, nagpahayag espesyal na pansin at panalangin para sa kapayapaan sa Israel, lalo na Bethlehem.
Ayon sa CNN, matapos ang nakapakatagal na panahon ay nagkalaman ang mga hotel, nagkaroon ng mga mamimili ang nangangamatay ng souvenir shops at napuno ang Church of the Nativity. Ito ang dambanang itinayo sa paniniwalaang lugar ng sabsaban kung saan Siya isinilang. At ang maganda pa roon ay magkatulong ang puwersang Hudyo (Israelis) at Palestino sa pagpapa-iral ng seguridad ng kapaligiran.
Habang napakaganda ng pangyayari ‘yon nung bisperas ng Pasko, sabihin ko ng para sa daigdig ng mga Kristiyano, nakalulungkot namang walang pakundangang nagbobombahan sa Cotabato, Sultan Kudarat at Shariff Kabusuan dito sa atin. Sa huling balita ay siyam na inosenteng buhay ang nalagas. Ang suspetsa ng gobyerno ay kagagawan ito ng mga rebeldeng Muslim. Kung totoong sila nga, dapat lang na ikondena at tugisin ang mga ito. Maski na nariyan ang matagal ng usapin sa pagitan ng gobyerno at MILF, hindi naman siguro kasama ang relihiyon. Naniniwala akong sapat ang pagkilala at paggalang ng gobyerno (na dominado ng Kristiyano) sa mga reliyosong kaugalian ng Muslim, tulad ng Ramadan. Dapat lang sigurong manawagan rin ang mga pinuno ng mga rebelde, na igalang rin ang kaugalian ng mga kapatid nilang Kristiyano, tulad ng isa sa pinakamasayang selebresyon sa mundo ng Kristiyano.... ang kapanganakan ni Hesus.
Peace lang, brudder!
|