Taong 2007, buong lakas-loob na inihain ni Jesus Vicente ang petition for quo warranto laban sa aktor-pulitikong si Dan Fernandez na nagdulot sa pagkakatalsik ng huli sa kanyang pwesto, matapos mapatunayan ng House of Representatives Electoral Tribunal o HRET ang pagkabigo nitong sumunod sa kinakailangang residency status ayon sa ating Konstitusyon.
Marahil ngayon ay tinatanong n’yo ang inyong mga sarili kung sino nga ba itong si Jesus Vicente. Isa ba siyang katunggali sa pulitika? Isang ma-impluwensyang businessman? O hindi kaya’y dating nakairingang artista?
Ang sagot ay wala sa mga pagpipilian. Si Jesus Vicente ay isang retiradong empleyado ng Meralco at residente ng 1st District ng Laguna. Maniwala man kayo at sa hindi, isa siyang simpleng Juan na kagaya nating lahat.
“Lahat nagsasabing, ‘Wag mo ng ituloy ‘yan wala namang patutunguhan’. Pero dahil doon lalong gusto kong patunayan sa kanilang hindi bulok ang sistema ng hustisya ng Pilipinas” sabi ni Jesus Vicente. “At wala nang mas maganda pang halimbawa na dinidinig ang boses ng mga simpleng taong katulad ko kundi ang paglabas ng katotohanan.”
Sa opisyal na botong 7-2 na kinabibilangan nina Supreme Court Justice Consuelo Ynares-Santiago, Supreme Court Justice Conchita Carpio-Morales, Representative Mauricio Domogan, Representative Fredenil Castro, Representative Roberto Cajes, Representative Solomon Chungalao and Representative Florencio Miraflores napatunayan ng HRET ang pagsisinungaling ni Fernandez sa address ng tunay niyang tahanan, na isa sa mga requirements na nakasaad sa Saligang Batas upang maging lehitimong kandidato nang tumakbo ito laban kay Atty. NR Joaquin noong 2007.
Ngunit higit sa lahat, ang pangyayaring ito ay hindi tungkol sa pulitika, sa pagsasalpukan ng kaliwa laban sa kanan, o sa isang artista, kung hindi sa tagumpay ng simpleng taong katulad ni Mang Jesus, na naglakas loob sumuong sa mala-David and Goliath na laban na ang tanging sandata ay ang katotohanan.
Sana ay maging isang ehemplo ang kasong ito ni Mang Jesus sa napakarami pang pulitikong patuloy na nakapuwesto pero ang katotohanan ay sa magagarang mansion sila sa Kalakhang Maynila nakatira at hindi sa mga lalawigang kanilang kinakatawan.
|