Napansin ko na habang tumatagal ay paiksi ng paiksi ang ating ginagamit na salita sa mga text message na ipinapadala natin sa mga kakilala, kaibigan at mga mahal sa buhay.
Hindi ko alam kung bakit tayo nasasanay sa ganitong katamaran kaya natatakot ako na darating ang araw ay matatalo ang mga Pinoy sa mga Quiz Bee sa international competition.
Alam niyo kung bakit, hindi na kumpleto kung tayo ay mag-spell at puro shortcut na lang na kahit ang mga bata gumagawa na rin kaya nakakatakot na pagdating ng araw, walang mananalong Pinoy sa Quiz Bee.
Isa sa mga halimbawa na shortcut ay ang Xmas imbes na Christmas.
Bukod kasi sa ineekisan na parang wrong spelling, ineekisan ang Christ. Nakakahiya sa Kanya dahil ang Kanyang kapanganakan ang ipinagdiriwang nating mga Kristiyano pero ineekisan natin ang salitang Christ.
Siguro, dapat tutukan ng mga guro ang bagay na ito sa loob ng eskuwelahan para maagang matuto ang mga bata na kapag sila ay nag-text ay buuin lalo na ang salitang Christ at huwag ekis lang. Nakakahiya sa Kanya.
May mga text message din na mahirap intindihin. Tulad ng lamang ng salitang “ko”, ginagawa “q”. Malayong malayo sa katotohanan pero nasasanay ang mga tao sa ganitong mga lingo.
Pero kung mayroong dapat kabahan ay ang Department of Education (DepEd) dahil ang mga kabataan ang gumagawa ng ganitong mga salita, kaso mukhang dedma ang departamentong ito.
Sige, kayo kapag lumala ang problemang `yan, baka magsisi kayo kapag hindi niyo binigyan ng pansin ang bagay na `yan. Pa’no na lang kung maligaw sa mga foreigner ang text niyo, sasabihin nila na hindi tayo marunong sa spelling.
***
Isa sa libu-libong asar noong bisperas ng Pasko ay si Gerry Baldo ng Tribune dahil sa sobrang trapik sa mga pangunahing kalye sa Metro Manila pero walang nagawa ang mga traffic enforcer at maging ang mga pulis.
Tulad na lamang nitong dinadaanan ni Gerry sa Quirino Highway mula Caloocan, Quezon City patungong Bulacan na hindi gumagalaw ang trapiko dahil sinakop ng mga tindera ang kalsada.
Imbes na 4 lanes ang highway, naging dalawa na lang at tila pinapanood lang ng mga pulis ni Caloocan City Mayor Recom Echiverri na nasa tabi pa man din ng highway ang kanilang detachment.
Nakadagdag din ang kawalan ng disiplina ng mga motorista na bawat isa ay nagmamadali na kanya-kanyang diskarte sa kalsada pero imbes na mapadali ang kanilang lakad ay lalo silang natengga.
Simple lang naman ang kulang sa atin. Wala tayong disiplina sa ating sarili kaya lalong lumalala ang problema. Isama mo pa ang walang silbing traffic enforcers.
Pagdating naman ni Gerry sa Tungkong Mangga sa San Jose Del Monte, Bulacan, malaki rin ang problema dahil ang mga traffic enforcers ng City Hall ay pinapayagan ang terminal ng mga public utility vehicle sa napakakipot na kalsada.
Dalawang lane na nga lang ang kalsada, mayroon pang terminal. Eh talagang sisikip ang trapiko. Tanong tuloy ni Gerry, alam kaya ng kanilang Mayor? Sino nga ‘yun?!
|