Dahil sa pinangangambahang recession sa susunod na taon, ipinanukala sa Senado ang pagbawas sa remittance fee ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Itinulak ito ni Sen. Edgardo Angara, chairman ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies, matapos matanggap ang ulat ng World Bank (WB) na mas lalaki pa ang taunang pasok ng dolyar sa Pilipinas kung babawasan ang kasalukuyang bayad sa remittances.
Sinabi ni Angara na tuwirang tatamaan ng global economic meltdown ang kinikita ng mga OFWs sa susunod na taon kaya dapat kumilos ang gobyerno upang matulungan ang mga manggagawang Pinoy.
Naniniwala ang senador mababawasan pa ang remittance rates dahil nagawa na ito sa India maging sa Latin America.
Noong nakaraang taon ay tinatayang $12.8 bilyon ang naipasok na remittance ng mga OFWs pero ang binayaran nila sa gobyerno ay umabot naman sa $ 1.7 bilyon sa rate na 13.5 percent.
Sa taong ito, tinatayang P16.6 bilyon ang inaasahang remittances ng OFWs subalit sa 2009, inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mababawasan ito ng anim na porsyento.
|