Tiyak na lalaki ang tenga ni dating Pangulong Joseph Estrada dahil mas mabango ito sa tingin ng mga komunistang grupo kaysa sa pumalit sa kanya na si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa panayam ng DZBB kay Jose Ma. Sison sa ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines (CPP), sinabi nito na “mas mabango” si Estrada kaysa kay Arroyo.
“Mas mabango si Erap kaysa kay Gloria,” ani Sison nang pagkumparahin ang dalawa sa kaso ng human rights at pagsisilbi sa mga tinatawag na masa o ang mga mahihirap na sektor ng lipunan.
Aminado si Sison na may mga kabulukan din ang pinatalsik na dating pangulo subalit hindi hamak na mas maayos ang pagpapatakbo nito sa gobyerno kumpara kay Arroyo.
Hindi lingid sa marami na sa ilalim ng Arroyo administration lumalala diumano ang human rights violation at pagpatay sa hanay ng mga aktibista bukod noong panahon ng Batas Militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Mula 2001 hanggang 2008, mahigit 900 katao na umano ang biktima ng extrajudicial killings maliban sa daan-daang na-torture at dinukot na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita.
Samantala, malabo pa umano sa ilalim ng Arroyo administrasyon magtagumpay ang peace talks sa pagitan ng National Democratic Front at Government of the Republic of the Philippines (GRP).
Ito ay dahil marami umanong “luko-luko” sa mga tauhan ni Arroyo sa pakikipag-usap sa kanila kung saan idinadaan sa dahas ang pangarap ng lahat na kapayapaan.
Samantala, minaliit lamang ni Sen. Richard Gordon ang banta ni Sison na wala itong susuportahang presidential candidate sa 2010 elections.
Naniniwala si Gordon na hindi pa pinal ang sinabi ni Sison kundi magbabago pa rin ito pagdating ng tamang panahon.
“Bukambibig lang niya iyon, hindi siya nag-iisip,” wika pa nito.
Hinimok din ni Gordon si Sison na huwag mawalan ng pag-asa dahil makakahanap din ito ng taong tunay na mangangalaga sa taumbayan.
“Don’t give up!” payo ng senador kay Sison.
Nauunawaan din ng senador kung bakit ganito ang nagiging pahayag ni Sison dahil siya’y “napalaot lang ng husto”.
|