Sugatan ang isang mag-amang manlalaro ng golf makaraang pagtulungan umanong gulpihin ng anak at bodyguard ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Nasser Pangandaman sa loob ng Valley Golf and Country Club sa Antipolo City, Rizal kahapon ng hapon.
Habang sinusulat ang balitang ito ay ginagamot naman sa Manila East Medical Center ang mag-amang sina Delfin dela Paz, 56, negosyante at Bino Lorenzo, 14, isang junior golfer ng Philippine Team at nakatira sa Magnolia Town and Country Executive Village, Bgy. Mayamot, Antipolo, Rizal, sanhi ng mga tinamong sugat sa mukha, tenga at katawan.
Sinabi umano ng ibang naglalaro ng golf kung sino ang nambugbog sa mag-ama at nalaman din nila ito sa pamamagitan ng logbook ng golf club na si Angel Pangandaman at ang mga bodyguard na sina Payzar Abdulaa, Mohammad Hussie, Abdan Pacasuma, Rene Magaque at Arnel Astacio.
Nandoon umano sa golf club si Sec. Pangandaman nang mangyari ang insidente at nakatingin lamang ito habang nagkakagulo.
Base sa report nina PO1 Anna Francisco at Anjerico Magallanes ng Antipolo Police Station-Criminal Investigation Division, dakong ala-1:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Hole No. 5 ng South Course Valley Golf and Country Club na matatagpuan sa Don Celso S. Tuazon Avenue, Antipolo City.
Base naman sa salaysay ni Marie Dhel dela Paz, 18, kasalukuyan silang naglalaro ng golf sa Hole No. 5 ng kanyang ama at kapatid na si Bino Lorenzo nang dumating ang grupo ni Sec. Pangandaman kasama ang anak nitong si Angel at ang limang bodyguard.
Bigla na lamang umano sila nilampasan ng lugar ng grupo sa halip na sila ang maunang maglaro sa naturang butas. Dahil dito, sinita umano ni G. Dela Paz ang batang Pangandaman at sinabihan na hindi sila dapat manguna sa lugar hanggang sa nagtalo ang dalawa.
Sa kalagitnaan ng pagtatalo ay agad umanong lumapit ang matandang Pangandaman kasama ang limang bodyguard. Hanggang sa pinagbuhatan umano ng kamay ni Angel si G. Dela Paz at dahil sa matanda na ito ay agad na bumulagta sa lupa. Nakabulagta na umano si G. Dela Paz ay pinagtulungan pang gulpihin ng limang bodyguard ng mag-amang Pangandaman.
Tinangka umanong awatin ng magkapatid na Dela Paz ang mga gumugulpi sa kanilang ama ngunit si Bino Lorenzo naman ang ginulpi ni Angel.
Matapos ang ginawang panggugulpi sa mag-ama ay nagbitaw pa umano ng salita ang batang Pangandaman sa matandang Dela Paz na “Baka hindi ninyo kami nakikilala ang yabang-yabang ninyo at mag-ingat kayo”.
Mabilis na umalis umano ang grupo sakay ng tatlong sasakyan, isang kulay puting Toyota Camry na may plakang AAM 88, kulay puting Expedition (ZHL 654) at kulay green na Prado (UAN 957).
Nabatid naman sa pamunuan ng naturang golf club na ang mag-amang Pangandaman ay miyembro nila at ang mga ito lamang ang kasunod ng mga biktima na naka-logbook sa nasabing entrance.
Samantala, nakatakda naman umanong imbitahan ng mga awtoridad ang mag-amang Pangandaman at ang limang bodyguard ng mga ito upang kunan ng pahayag hinggil sa nasabing insidente.
Sasampahan umano ng kasong serious physical injuries at paglabag sa Anti-Child Abuse Law sa Antipolo Prosecutor’s Office ang mga suspek.
|