Ibinalita sa akin ni Chris Tiu na nag-enjoy sila ni Manny Pacquiao sa panonood ng laban ng Lakers at Celtics nu’ng Christmas Day sa Staples Center, sa Los Angeles California.
Kasama nina Chris at Manny sa panonood ang kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Sabi ni Chris, doon na sila magsi-celebrate ng New Year ng kapatid niya. Sa January 7, 2009 pa raw siya babalik.
Anyway, bago umalis sina Manny at Chris ay nag-taping muna sila ng ilang episode ng Pinoy Records.
Ang Pinoy Records ay napapanood sa GMA 7, pagkatapos ng programang Wish Ko Lang ni Vicky Morales.
Siyanga pala, masayang-masaya rin si Richard Gomez dahil rumaratsada sa rating ang celebrity edition ng Family Feud. At bukas nga ay mapapanood ang laban ng Sexbomb Dancers at Movers.
***
As expected, rumaratsada ang Iskul Bukol…20 Years After, at ang pelikula ni Ai Ai delas Alas na Ang Tanging Ina N’yong Lahat sa pagiging number one sa takilya sa Metro Manila Film Festival 2008.
Pero, masayang-masaya si Mother Lily Monteverde dahil patuloy na nakikipaglaban ang mga pelikula niyang Desperadas 2 at Shake, Rattle & Roll X sa takilya.
Sa birthday party nga ng husband niyang si Father Remy Monteverde last December 25 na ginanap sa mala-palasyo nilang bahay sa Greenhills ay panay ang halakhak ni Mother.
Sa ngayon, hindi pa namin alam kung ano ang ranking ng Magkaibigan na pinagbibidahan nina Sen. Jinggoy Estrada at Christopher de Leon.
Although, noon pa naman ay expected na ni Sen. Jinggoy na mas uunahin talaga ng mga manonood ang mga comedy movies, at ihuhuling panoorin ang drama na tulad ng Magkaibigan.
Sa totoo lang, dapat panoorin ng mga tao ang Magkaibigan dahil maraming mapupulot na aral sa pelikula.
Makikita nga rito ang kahalagahan ng pagkakaibigan. Hango nga sa mga tunay na mga pangyayari sa friendship nina Sen. Jinggoy at ng namayapang si Rudy Fernandez ang kuwento nito.
Marami nga ang nagsasabi na hahakot ng awards ngayong gabi sa Gabi ng Parangal ang Magkaibigan.
At kung mangyayari `yon, siguradong malaki ang maitutulong noon para mas maging interesado ang mga manonood na panoorin ang Magkaibigan.
Siyanga pala, malaki ang pasasalamat ni Sen. Jinggoy sa mga sumuporta sa pelikula nila, tulad ng Smart Communications, Dickies at, Brazil Brazil (matatagpuan sa Metro Walk, Pasig City).
|