Maganda ang box-office results ng unang araw ng 34th Metro Manila Film Festival na nagbukas nung nakaraang Huwebes. Mas malaki raw ang kinita nito kesa sa opening day ng MMFF nung nakaraang taon.
Nakausap ko ang isa sa miyembro ng Execom ng MMFF at Presidente ng National Cinema Association of the Philippines na si Mr. Ric Camaligan, at masaya raw sila dahil mga 14 percent daw ang itinaas ng kinita ng first day ngayong taon, kesa nung nakaraan.
Sa walong pelikulang kalahok ay naka-69 million pesos ang kinita nito na lumabas sa buong bansa.
Pukpukan sa number one slot ng box-office ang Ang Tanging Ina N’yong Lahat ni Ai Ai delas Alas, at ang Iskul Bukol…20 Years After, nina Tito, Vic and Joey na kumita ng mahigit 20 million pesos.
Sumunod ang Shake, Rattle & Roll X ng Regal Films na mahigit sampung milyong piso ang kinita nito sa opening day at sumunod ang Desperadas 2, Baler, One Night Only, Dayo at Magkaibigan.
Maganda naman daw ang kinita ng bawat pelikulang nagbukas nung Huwebes at baka lalo pa itong tumaas pagkatapos ng awarding mamayang gabi.
Pagdating sa awards, natitiyak na naming maglalaban sa padamihan ng awards ang Baler at Magkaibigan. Puwede ring lumaban ang Dayo at ang One Night Only na sabi ng ilang nakapanood, maganda ito at magagaling ang lahat ng artistang kasali.
Napanood na ni Butch Francisco ang lahat na pelikulang kalahok at naramdaman daw niyang maglalaban sa Best Actor sina Sen. Jinggoy Estrada at Christopher de Leon.
Sa Best Actress ay may puwedeng ibigay kay Dawn Zulueta pero may laban din daw sina Ai Ai delas Alas, Diana Zubiri at Alessandra de Rossi na pawang sa comedy film.
Tingin ko naman, walang kokontra kung mag-Best picture ang Baler dahil sa napaka-pulido nito at magagaling din ang halos lahat na artistang involved.
Mukhang may ilalaban pa nga ito sa ibang award-giving bodies sa susunod na taon.
Tuluy-tuloy pa rin daw ang panonood ng mga tao sa mga sinehan kaya inaasahan ng MMFF na makukuha nila ang mahigit na 400 million-peso target na kikitain ngayong taon.
***
Isa sa aabangan niyo sa Startalk mamayang hapon ay ang latest na update sa break-up nina Dra. Vicki Belo at Dr. Hayden Kho.
May interview ang Startalk kay Dr. Hayden, pero nananatiling tahimik pa rin si Dra. Belo.
Ang latest na narinig ko kahapon ay sumugod na naman daw si Dr. Hayden sa bahay ni Dra. Belo pagkatapos nitong mabasa ang column ni Kuya Ricky Lo sa Philippine Star kahapon.
Walang nakaalam kung nakipag-ayos na naman siya at kung nakumbinse na nito si Dra. Belo.
Pinipilit naming kunan ng reaksyon ang mga anak ni Dra. Belo, pero ayaw rin nilang magsalita. Sinabi lang ni Cristalle Henares ng Belo Essentials na malungkot daw siya dahil malungkot din ang mommy niya.
***
Maglalaban sa All-Star K sa Linggo ang mga reporters na may ka-partner na mga kontrobersyal na artista. Ang inyong lingkod ang nag-represent sa Abante Tonite, ka-partner ko dito si Pauleen Luna.
Abangan niyo na lang kung sino ang magwawagi na ang bahagi ng napanalunan nito ay ibinigay sa Rudy Fernandez Cancer Foundation.
Kaya malaki ang pasasalamat ni Lorna Tolentino dahil marami ang nakakaalala na tulungan ang sinimulan nilang foundation.
|