Isa nang bangkay nang lumutang sa ilog ang isang 29-anyos na mister matapos itong tumalon upang hindi maaresto ng mga barangay tanod makaraang habulin ng saksak ang kanyang kapatid sa Malabon City kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives ang biktima na si Israel Lasalita, residente ng Block 40, Martiniko St., Longos ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni PO3 Robert Miclat, nabatid na bandang alas-12:30 ng tanghali nang lumutang ang bangkay ng biktima sa Malabon River sakop ng Tañong.
Napag-alaman, noong hapon ng bisperas ng Pasko, nakatalo ng biktima ang nakababatang kapatid na lalaki na si Keke nang magkakulitan ang mga ito dahil sa kalasingan na humantong sa isang mainit na pagtatalo. Dito hinabol ng saksak ng nasawi ang nakababatang kapatid.
Ngunit habang naghahabulan ang magkapatid ay nakasalubong ng mga ito ang mga nagpapatrulyang barangay tanod kaya tumakas si Israel upang makaiwas na madakip.
Nang hindi nilubayan ng mga barangay tanod ang biktima ay tumalon ito sa ilog upang makatakas at hindi na nakita hanggang sa bangkay na itong lumutang.
|