Tinadtad ng saksak sa katawan hanggang sa mapatay ang isang 64-anyos na lola na hinihinalang nanlaban matapos holdapin kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Naliligo sa sariling dugo at halos mapunit ang suot na damit sanhi ng 10 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang matagpuan ang biktimang si Erlinda Abadilla, nagtitinda ng sabong pampaganda at nakatira sa Sitio Kaunlaran, Western Bicutan, Taguig City.
Natagpuan ang bangkay ng biktima ng isang Joselito Nicasia ng Sitio Malapang, Molino, Bacoor, Cavite.
Sa imbestigasyon ni PO3 Ariel Gupana ng Las Piñas Police-Station Investigation Detective Management Section, dakong alas-9:25 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng matanda sa isang bakanteng lote sa Daang Hari Road, Almanza II, Las Piñas na pag-aari ng Britanny Corporation.
Ayon kay PO3 Gupana, maaaring nanlaban ang biktima sa suspek dahil maging ang mga kamay at braso ng matanda ay may mga tama ng saksak.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives, narekober mula sa lugar na kinatagpuan sa biktima ang isang relos na panlalaki at isang pares ng tsinelas na posibleng pag-aari umano ng salarin na nahablot ng matanda at naiwanan matapos ang pamamaslang.
Base sa pahayag ni Marilyn Abadilla, nasa hustong gulang at anak ng biktima, dakong alas-sais ng umaga kamakalawa (Disyembre 25) nagpaalam sa kanya ang ina na magtutungo sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City upang dalawin ang asawa na matagal nang nakapiit doon.
May dala pa umanong regalo at pagkain ang matanda para ibigay sa kanyang mister dahil sa araw ng Pasko ngunit nagtaka si Marilyn nang hindi umuwi ang kanyang ina makalipas ang magdamag.
Ayon kay Marilyn, tanging gate pass at isang ID na lamang ng kanyang ina ang nakuha sa crime scene kung saan natagpuan ang bangkay ng biktima.
|