Nasa kritikal na kalagayan ang isang 8-anyos na batang lalaki matapos tamaan ng ligaw na bala sa kanyang ulo habang nagrarambulan sa kanilang lugar sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Agaw-buhay habang inoobserbahan sa Manila Central University Hospital ang biktima na nakilalang si Damiel Garcia, residente ng 177 8th Avenue ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ng Caloocan City Police-Station Investigation and Detective Management Branch, napag-alaman na dakong alas-7:30 ng gabi kamakalawa, karambulan ng tiyuhin ng biktima na kinilalang si Ramon Garcia, 31, ang mga kalugar na sina Reggie Mendoza, kapatid nitong si Roldan Mendoza, Joel Estrada at isang Edgar, sa basketball court sa nasabing lugar nang biglang may umalingawngaw na putok ng baril.
Malapit ang bata sa mga nagrarambulan kaya minalas itong tinamaan ng ligaw na bala na naging dahilan upang ito’y bigla na lamang tumumba.
Nang mamataan ang nakabulagtang bata ay mabilis na nagtakbuhan ang mga nararambulan.
Nang lapitan ng ilang mga kaanak ay nagulantang na lamang ang mga ito nang makitang umaagos na ang dugo mula sa ulo ng bata kaya agad itong isinugod sa nasabing pagamutan upang maisalba at tumawag sa himpilan ng pulisya upang ipabatid ang nasabing insidente.
Kaugnay nito, kasalukuyan pang nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga elemento ng Caloocan City Police Station upang matukoy kung sino ang nagpaputok ng baril upang ito’y mapanagot sa insidente.
|