Daan-daang distressed overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan ang patuloy na umaasa sa administrasyong Arroyo na mapagkakalooban sila ng makabuluhang regalo ngayong Pasko at ito ay ang pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East, kabilang sa daang bilang ng mga distressed OFWs na humihiling at umaasam na makauwi sa ‘Pinas ang 16 Filipino workers sa Riyadh, Saudi Arabia na nagpasyang tumigil sa kanilang trabaho upang iprotesta ang kanilang employer na Annasban company na tumangging magbigay ng ‘normal vacation’ sa kabila ng pagkakakumpleto na nila sa kanilang dalawang taong kontrata.
Ilan sa mga OFWs na ito ay tatlong taon nang kumakayod pero hindi man lamang napagbigyang makapagbakasyon.
Ani Monterona, halos araw-araw ay nagpapadala ng mensahe ng pagsusumamo ang tumatayong lider ng 16 OFWs na si Jeanette Belino sa gobyernong Arroyo upang mapauwi na sila sa Pilipinas.
“The most valuable gift the Arroyo administration could give to distress and stranded OFWs in the Middle East is their immediate repatriation so that they could celebrate a Merry Christmas along with their loved ones and start a brand new life back home,” pahayag ni Monterona.
|