Pinabulaanan kahapon ni Justice Secretary Raul Gonzalez na tinutulugan ng Department of Justice (DOJ) ang reklamo ng Senate Blue Ribbon Committee laban kay dating Agriculture undersecretary Jocelyn ‘Jocjoc’ Bolante.
Ayon kay Gonzalez, paninira lamang sa ahenya ang bintang na wala siyang ginagawa sa Bolante case. Aniya pa, sa katunayan ay isang panel na ang binuo ng DOJ na s’yang magbubusi sa reklamo ng komite kaugnay ng P728 million fertilizer fund mess.
Ang pahayag ni Gonzalez ay kasunod na rin ng hakbang na ginawa ni Senate Blue Ribbon committee chair Richard Gordon kung saan ipinatatawag nito ang mga opisyal ng DOJ at Office of the Ombudsman dahil sa mabagal na aksyon.
Matatandaan na una na ring nagbanta si Gordon na tatapyasan ang budget ng DOJ at Ombudsman dahil sa delay.
“We are doing our job. We already established a panel regarding the complaint that was referred to us. We have already set up the panel even if we would rather have the complete report of the Senate that would make our own investigation complete,” paliwanag ni Gonzalez.
Bilang reaksyon sa banta na tatapyasan ang budget ng DOJ sinabi ni Gonzalez na nasa Senado ang desisyon nito.
“It’s up to them. We are doing our job. In fact, we have the lowest budget,” pagtatapos pa nito.
|