Walang sindak na nadama ang kampo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa ginawang pagso-sorry ni dating Pangulong Corazon Aquino kay ex-President Joseph Estrada dahil sa naging partisipasyon nito sa 2001 EDSA Dos.
Sa halip, kapwa sinabi nina Press Secretary Jesus Dureza at Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Ronaldo Puno na “good development” ang nangyari dahil ipinakita ni Mrs. Aquino na puwedeng magkasundo ang mga dating magkatunggali sa pulitika alang-alang sa pagkakaisa at rekonsilasyon.
Dugtong pa ni Puno, nauna naman si Pangulong Arroyo na magpakita ng senyales ng rekonsilasyon nang pagkalooban nito ng executive pardon si Estrada noong nakaraang taon.
“We congratulate the former President, the form of making gesture of reconciliation with former President Estrada is similar to what President Arroyo have done. Any form of unification is always good,” ani Puno.
Nang matanong naman kung hindi natatakot ang Malacañang na tila nagkakaisa ang mga dating major players ng EDSA Dos laban kay Pangulong Arroyo, sinabi ni Puno na ito ay isang interpretasyon lamang at mas gusto nilang tumutok sa positibong aspeto ng naturang kaganapan.
Sa Senado, kinuwestyon naman ni Sen. Richard Gordon ang paghingi ng sorry ni Mrs. Aquino kay Estrada.
Ayon kay Gordon, hindi na dapat humingi ng tawad si Mrs. Aquino dahil talaga namang nakagawa ng kamalian sa taumbayan si Estrada kaya napatalsik ito sa puwesto.
“I think she overstated the point. Maybe what she really meant is ‘I forgive you’ but to say sorry for having remove him, you cannot do that, you have to stand by,” dagdag pa ni Gordon.
Inamin din ng senador na isa siya sa naging instrumento sa pagpapatalsik kay Estrada dahil sa dami ng dinala niyang tao sa EDSA Shrine pero hindi niya pinagsisisihan ang bagay na ito.
Ang tanging ihihingi lang umano niya ng sorry sa taumbayan ay ang pagkabigo ng administrasyon ni Pangulong Arroyo na tuparin ang pangarap ng sambayanan matapos na mapatalsik si Erap.
“I am also sorry na hindi maayos ng kasalukuyang administrasyon ‘yung dapat nilang gawin para maging wagas ‘yung tiwala ng tao sa ating bayan,” ani Gordon.
Sa Kamara, sinabi naman ni House Speaker Prospero Nograles Jr., na maraming hindi sang-ayon sa ginawa ni Mrs. Aquino lalo na sa hanay ng mga players ng EDSA Dos.
“Many of those who participated in that event do not agree with Tita Cory. Perhaps it’s best to respect each others opinion on the matter. But personally I feel that the “mea culpa statement” or a realization of the same were too much late… the event having occurred in early 2001 and we are soon entering 2009,” text message ni Nograles.
Ayon naman kay Nueva Ecija Rep. Edno Joson, hindi dapat husgahan ang paghingi ni Aquino ng sorry kay Estrada dahil mas sinsero ang dating Pangulo kumpara kay Pangulong Arroyo kung “sorry” ang pag-uusapan.
“At least si Cory sincere sa sorry niya at talagang inamin niya na nagkamali siya sa EDSA 2 samantalang si PGMA scripted (ang sorry niya),” pahayag Joson.
|