Dec. 24, 2008 Wednesday
NEWS ADVERTISE About the company Contact Info ARCHIVES
SEARCH Abante-Tonite
HEADLINES
Abante Online
HEADLINES
 
BUHAY INIREGALO KAY ITAY
(Armida Rico)
 

Dahil sa kagustuhang maisalba sa tiyak na kamatayan ang ama, nagbuwis ng buhay ang isang 12-anyos na estudyante nang gawin nitong panangga ang kanyang katawan mula sa patalim na itatarak sana sa kanyang ama kamakalawa ng gabi sa Muntinlupa City.
Hindi na umabot nang buhay sa Alabang Medical Center ang batang si Christopher Romualdo, elementary student at nakatira sa 71 San Guillermo St., Bayanan, Muntinlupa, sanhi ng malalim na saksak sa katawan.
Inoobserbahan naman sa naturang pagamutan ang kanyang amang si Joseph Romualdo na nagtamo ng mga pasa at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, namatay naman kaagad ang suspek na si Michael Dumacay, 52, vendor at residente rin ng Guillermo St., matapos pagsasaksakin ng matandang Romualdo nang makitang nakabulagta na at duguan ang kanyang anak.
Sa natanggap na ulat ni Sr. Supt. Elmer Jamias, hepe ng Muntinlupa City Police, dakong alas-6:30 ng mangyari ang krimen sa Ilaya St., Barangay Alabang, matapos resbakan ni Dumacay si Romualdo na nagparinig umano ng masasakit na salita laban sa kanya.
Base sa imbestigasyon nina SPO1 Roberto Pareno at SPO1 Rodel Torres ng Muntinlupa Police-Investigation and Detective Management Section, nakikipag-inuman si Romualdo nang mapadaan si Dumacay na noon ay pauwi na.
Pinaringgan at minura umano ni Romualdo ang suspek at sinabihan pa na “Ang sarap pagpapatayin!” kaya’t nagtawag ng kanyang mga kasamahang Muslim si Dumacay at pinagtulungan nilang gulpihin ang ama ng biktima.
Bumunot pa umano ng patalim si Dumacay at tatapusin na si Romualdo subalit ginawang panangga ni Christopher ang sarili at sinalo ang ulos ng patalim na tumama sa kanyang katawan.
Nakahagilap naman ng patalim si Romualdo nang makita ang duguang anak at walang habas na pinagsasaksak si Dumacay.

 

Microsoft Internet Explorer 7 HOME NEWS EDITORIAL AND OPINIONS PUBLIC SERVICE ENTERTAINMENT SPORTS GREETINGS FEATURES