Alfie Lorenzo

Allan Diones

Abu Tilamzik  

Jun Lalin  


Pralala Et Cetera


ENTERTAINMENT

Rufa Mae, maraming beses nang natanso


Kwela ang presscon ng Desperadas nu’ng Linggo nang gabi dahil sa magkaibigang Ruffa Gutierrez at Rufa Mae Quinto.

‘Kaaliw ang mga sagot ng dalawa at para ma-stretch ang open forum dahil wala pa ang co-star nilang si Marian Rivera ay silang dalawa na ang nagtanungan. Cute ang mga biruan ng dalawa na kung saan-saan napunta.

Sabi ni Rufa Mae, masaya siya na nakasama niya sa pelikula sina Ruffa, Marian at Iza Calzado. First time niyang nakatrabaho ang tatlo dahil kahit nagkasama sila noon ni Ruffa sa Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa ay extra lang siya sa pelikula.

Magagaling at professional ang description ni Rufa Mae sa kanyang Desperadas co-stars. Natutuwa raw siyang nakakagawa na siya ng movies sa Regal at lumalaki na ang mundo niya, hindi gaya dati na exclusive lang siya sa Viva.

Pangalawang Regal movie pa lang niya ito after Ako, Legal Wife.

Sobrang naaaliw ang sexy comedienne kay Mother Lily Monteverde dahil ‘classic’ daw ang pagiging ‘character’ ng Regal matriarch.

Kaya sa presscon ay hiniritan ni Rufa Mae si Mother ng, "Pwede ba, Mother, ang next role ko, ikaw?"

Dinadaan na lang din niya sa biro ‘yung isyu na nag-walkout umano siya sa dubbing ng Desperadas nang makita niyang may ‘and’ bago ang pangalan ni Marian.

"First time kong napagbintangan na nag-walkout. At first time ko ‘yong narinig sa Regal, huh! Ha! Ha! Ha!

"Sa dami nang nagawa kong pelikula, akalain mo ‘yon? Ngayon lang ako nagkaroon ng ganu’ng isyu!

"Paano ka ba naman hindi mapapahalakhak? Ha! Ha! Ha! O sige na nga, nag-walkout na nga ako!" bulalas ni Rufa Mae, sabay tawa.

Aliw ‘yung tanong sa kanya kung naranasan na ba niyang ‘matanso’ sa totoong buhay. Sa Desperadas kasi ay nainlab siya sa isang lalake (Wendell Ramos) na later on ay natuklasan niyang bading pala.

"Oo naman, maraming beses na akong natanso. Pero hindi naman ‘yung gaya sa pelikula. Minsan, ako ang natatanso; minsan, ako ang nanananso!" natatawang sey ni Rufa Mae.

Biglang nag-butt in ang clueless na si Ruffa G. ng, "Teka lang, what’s nanananso?" na tinawanan ng press.

Nang i-explain kay Ruffa kung anong ibig sabihin nito, humirit ulit ito ng, "Ay, akala ko kung naranasan mo na bang magka-boyfriend na bading, P-chi!" na lalong ikinahalakhak ng mga nasa presscon.

"In fairness, wala pa naman!" mabilis na sagot ni Rufa Mae, na panay ang tawa dahil hindi alam ni Ruffa ang ibig sabihin ng ‘natanso.’

***

Si Ruffa ay marami ring pinakawalang soundbites sa presscon nilang ‘yon ni Rufa Mae. Nasabi niyang ayaw na niyang magpakasal ulit in the future.

Pero pasubali niya, "I’m not gonna get married again, pero hindi ko sinabing ayaw kong mag-boyfriend!"

Sa tanong kung hindi ba niya nami-miss ang sex ngayong loveless siya, ang sagot ni Ruffa, "Yuckkk!! How gross!! No, actually, hindi ko siya nami-miss!

"Pag bagets ka siguro, mami-miss mo ‘yon. But when you get older and you have two kids na, hindi mo na maiisip ‘yon!" katwiran niya.

May nagtanong din kung naranasan na ba nila ni Rufa Mae na mag-‘share’ ng isang lalake…

Sey ni Ruffa, "Magkaiba kami ng taste, eh! Siya, mahilig siya sa mga basketbolista; ako, type ko ‘yung mga Mafioso!"

Nang may magbanggit ng pangalan ng isang kilalang aktor na kapwa naugnay noon sa dalawa, napatili si Ruffa ng, "Eeeewww!!! Ay, no comment! Yilmaz reads the newspaper now. I wanna be alive in the New Year!

"And it’s not something to dwell about! Uy, huwag n’yo nang isulat ‘yon, ha, my dear friends?" natatawang pakiusap niya sa mga kaharap na press.

Sabi pa ni Ruffa, nagkaka-wrinkles siya dahil sa love kaya mabuti pang wala na lang nito. Dayalog niya, kahit parehong malamig ang Pasko nila ni Rufa Mae ay mainit naman ang pagtanggap sa kanila ng mga tao at mainit ang kanilang respective careers.

Masayang ibinalita rin ni Ruffa na inimbitahan niya ang mga kaibigan niya (at original cast ng Desperadas) na sina Gretchen Barretto, Pops Fernandez at Dawn Zulueta, at umoo raw ang mga ito sa kanya na manonood sa premiere night ng pelikula sa Disyembre 23 sa SM Megamall Cinema 10.

Sa Enero 1, 2008 ang regular showing ng MMFF entry na Desperadas sa direksyon ni Joel Lamangan.

***

Tampok mamaya sa episode ng The Ricky Lo Exclusives (8:30 PM sa Q-11) ang panayam sa first time parents na sina Sen. Chiz Escudero and wife Christine na biniyayaan kamakailan ng kambal na anak; ang misis ni Anjo Yllana na si Jackie na kapapanganak lang sa Amerika; ang bangayan nina Sen. Bong Revilla at OMB Chairman Edu Manzano; at ang ‘desperate moments’ nina Ruffa Gutierrez, Rufa Mae Quinto at Marian Rivera.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top