|
Para sa mga gustong humingi ng payo, sumulat sa Abante, c/o Kuya Rom Rm. 301, BF Condominium, Bldg., Solana cor. A. Soriano Sts., Intramuros Manila.
E-mail address:
|
PUBLIC
SERVICE
Boyfriend, internet addict? Dear Kuya Rom, Ako po ay 33 years old. Ang boyfriend ko ay mas bata sa akin, 29 years old. Ikakasal kami next year. Pero may mga ilang araw na kinakabahan ako tungkol sa kanya. Parang ayaw ko nang ituloy ang kasal namin. Wala ibang girl, kaya lang nadiskubre ko na mahilig siya sa pornography sa internet. Marami akong natagpuang pictures ng mga nakahubad na teen-ager na babae sa kanyang computer files. Gusto kong unawain siya tungkol dito dahil lalaki siya at may mga lalaki rin akong kapatid. Pero kinakabahan pa rin ako dahil bago naging kami, ang girlfriend niya ay isang 19 years old. Hindi naman siguro insecurity ang nararamdaman ko, pero iniisip ko ang agwat ng edad namin ng boyfriend ko. Hindi ko pa siya kinakausap tungkol dito, pero worried ako talaga sa kanya. Kailangan bang pag-usapan namin ito? Hindi niya kaya masamain at sabihing private life niya ito at wala akong pakialam? Sana pagpahuyan ninyo ako, Kuya Rom. Thank you and more power! -- Bea
Dear Bea, Marupok na dahilan ang sabihing lalaki rin ang mga kapatid mo kaya’t okay ang porno. Baka mapagkamalan pa na kinukunsinti mo ang gawaing ito. Kung iniisip mong masamain ng boyfriend kapag pinag-usapan ninyo ito pagkat private life niya ito, ang maaaring masasabi mo sa kanya ay ito: Private parts ng mga teen-ager na babae ang kinalulukuhan niya at ginawang public, kaya’t ang porno ay isang public issue. Mahalagang pag-usapan ninyo ito. Ang una mong gawin ay humingi ka ng paumanhin, mag-sorry ka sa kanya, dahil nabuklat mo ang kanyang computer files. Bago mo buksan ang maselang bagay na ito, humingi ka muna ng pahintulot na magsalita ka tungkol sa nakita mo sa kanyang mga files. Pangakuin mo siya na huwag siyang magagalit sa pag-uusapan ninyo. Siguruhin mo sa kanya na mahal mo siya at ang kabutihan niya lamang ang iyong nais. Ipaliwanag mo sa kanya na mahalaga siya sa iyo at mahalaga para sa iyo ang inyong relasyon, lalo na ngayon na nalalapit na ang inyong pagpapakasal. Sa sandaling nangako siya na hindi siya magagalit, ipagtapat mo sa kanya ang iyong nadiskubre. Sabihin mo sa kanya na ikaw ay natatakot sa maaaring ibubunga ng kanyang pagkahibang sa mga hubad na katawan ng babae sa internet. Una, ito ay hindi kalugud-lugod sa paningin ng Diyos pagkat ang porno ay nagdudulot ng pagnanasang seksuwal lalo na sa mga lalaki at nauuwi ito sa pakikiapid o pangangalunya sa isip at puso at sa aktuwal na gawa. Pangalawa, ito ay nagiging addiction tulad na pagkakalulong sa droga. Ito ay nagiging magastos na bisyo, at tulad ng ibang bisyo ay maaaring mauwi sa pagkasira ng katawan dahil sa pagpupuyat o pagkagutom dahil sa sobrang pagbababad sa computer, at pagkasira ng kaluluwa ng tao dahil sa imoralidad. Pangatlo, ang maaaring pagkasira ng relasyon ng mag-asawa. Tulad ng problema ng isang misis na sumulat sa column na ito, ang porno ang nagsisilbing hadlang upang magkaroon ng mabuting komunikasyon at malusog na relasyon ng mag-asawa. Halimbawa, mas gusto pa ng lalaki na manatili sa harap ng computer kaysa manatili sa tabi ng kanyang asawa. Mas nakahihiligan ng lalaki ang mga katawan ng babae sa internet kaysa sa buhay at maalab na katawan ng kanyang misis. Bakit nauuwi sa ganito? Sapagkat naging addict na ang lalaki sa porno. Kaya’t ang kausapin mo siya tungkol dito ay mahalaga. God bless you! Payong kapatid, Kuya Rom |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|