Editorial

Misyon Aksyon

Sanggang-diin

Usisero

Ping and Order


 

OPINION

Mabubuhay ang patay


Bukas ng umaga, isa pang bagong imbestigasyon ang uumpisahan sa Senado na angkop dun sa kolum ko kahapon, ang banggaan ng media kontra PNP, dahil sa bagong adventure ni Sen. Antonio Trillanes sa Manila Peninsula. Ayon kay Sen. Chiz Escudero, chairman ng Senate Justice committee, gusto nilang liwanagin kung ano ang tinatawag na "rules of engagement" na ginagamit ng PNP sa ganung sitwasyon, at ano rin naman ang sa media. Sinabi rin ni Escudero na ang hearing bukas ay hindi sasawsaw sa umano’y rebelyon na pinasok ng grupo ng Sen. Trillanes.

Gaya ng naisulat ko sa kolum kahapon, walang nangyari dun sa dialogue ng PNP at media na ginawa mismo sa Manila Pen. Halos nagsisigawan na ang dalawang panig sa pagpapaliwanag ng kani-kanilang paninindigan sa insidente. Walang bumigay. Ang hirap kasi sa ganung komprontasyon, talagang walang kahihinatnan kung walang nagre-referee. In fairness sa PNP, humihingi uli sila ng isa pang dialogue sa media, at bakit nga ba hindi.

Itong hearing sa Senado bukas, balak ng Senate Justice committee na malaman kung talagang may nalabag o inabusong batas ang media, kung kaya’t sila’y hinuli at "naposasan" pa. Siyempre, gusto rin maliwanagan kung may nilabag din ang PNP sa karapatan ng media sa malayang pagpapahayag. Nakita ko ‘yong guest list ni Sen. Chiz at ‘sang katutak ang miyembro ng gabinete at matataas na opisyales ng PNP ang inimbita. Sana naman, huwag pumasok sa ulo nilang gamitin ang EO 464 at executive privilege.

Uulitin ko, at malamang na ipagdiinan ito ni Sen. Chiz bukas… walang batas ang maaring sumapaw sa karapatang bigay ng Constitution mismo sa media… ang malayang pagpapahayag.

***

Talaga namang ayaw sumuko ang House of Representatives (hindi lahat) sa pagsasayaw ng ChaCha. Inumpisahang dingging kahapon ang dalawang panukalang batas na humihingi ng halalan para sa isang Constitutional Convention, at isa naman ay ang pagbuhay ng People’s Initiative. Dahil sa House nai-file ang mga panukalang ito, at dahil alam naman natin kung sino ang lamang na lamang sa House, hindi nakakagulat kung muling patutugtugin ang Chacha. At siyempre naman, kapag kinunan ng reaksyon ang Malacañang sa bagay na ito, para ko nang narinig ang… "Wala kaming kinalaman diyan…"

Ang reaksyon sa Senado? "Enough already… paulit-ulit already embarrassing already!!" sabi ni Sen. Joker Arroyo. Siya na mismo ang nag-ugnay sa itaas… "Malacañang, stop na!..." At nakakatawa ngang pati media sa House ay sinaltik pa niya… "House media, stop reporting it na…"

Sabi naman ni Loren Legarda… "Sila pala ang gumagawa ng distraction sa bansa. Ipinagyayabang nilang bumubuti na ang ekonomiya, tapos sila rin ang gagawa ng political noise…" Kapos sa espasyo kung iisa-isahin ang mga Senador para sa kanilang reaksyon. Pero natitiyak kong halos 90% sa kanila, pati na mga kaalyado ng administrasyon tulad ni Sen. Joker, ay napipikon na at tiyiak na hindi mapapasayaw ng Chacha. Sabi nga ni Sen. Miriam Santiago. "Bakit kailangan pang buhayin ang patay?"

Pero maski masasabing ni hindi makararating sa first base ng Senado ang Chacha, tandaang halos nakalusot ito sa Supreme Court. Kung inyong maaalala, ibinasura ng Mataas na Korte ang People’s Initiative, sa botong 8-7… natalo lang ng isang boto.

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top