|
|
OPINION
Excess baggage, muntik patayin si PGMA Excess baggage ang tawag sa mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Gloria Macapaga-Arroyo na imbes na makatulong ay naghahatid pa ng indulto sa kaniya. Pabigat rin sa kanya ang iba pang mga opisyal ng gobyerno na itinalaga niya sa puwesto para lamang tumanaw ng utang na loob na tila hindi pa natatapos bayaran dahil sa malaking papel na ginampanan ng mga ito upang maluklok siya sa Palasyo noong 2001. Hindi na siguro dapat pang ikaila ng Mahal na Pangulo na naging buwisit sa halip na maging asset ang mga katulad nina DOTC Secretary Leandro Mendoza, Energy secretary Angelo Reyes, DPWH Secretary Hermogenes Ebdane, LTO Chief Reynaldo Berroya at sangdamakmak na iba pa. Pati nga ang kanyang mister na si First Gentleman Mike Arroyo ay isinama na rin sa kategoryang excess baggage na pasan-pasan ng Pangulo dahil sa dami ng mga anomaly at kuwestyunableng transaksyon na ikinulapol dito. Kumbaga sa eroplano, laging pagewang-gewang ang biyahe ng Pangulo sa bigat at dami ng mga ganitong klase ng bagahe. Dapat talaga, magbawas o magtanggal siya ng bagahe upang maging maalwan ang kanyang pagmamaneho dahil kung hindi, pare-pareho silang babagsak! *** Mismong si Pangulong Arroyo pala ay inabot ng matinding nerbisyos sa kanyang paglalakbay sa himpapawid mula sa Madrid, Spain patungo sa London noong bago mag-weekend. Nahirapan pala ang mga piloto ng Chartered flight ng Philippine Airlines (PAL) na sinakyan ng Presidente sanhi ng napakabigat na kargamento na sakay ng nabanggit na eroplano. Sinabi ng isa sa mga kasama sa entourage ng Pangulo, sangkaterba kasi ang excess baggage na ikinarga sa eroplano na karamihan ay bitbit ng mga kongresistang bumuntot sa presidential trip. Ayon sa source ng SANGGANG-DIIN, hindi makabuhat sa dami ng pinamili sa Madrid ang maraming kongresista na hindi naman magawang iwanan sa biyahe dahil kasama nga sila sa opisyal na delegasyon ng Pangulo. Ang lalong matindi rito, mayorya sa mga byaherong kongresista na nag-shopping spree sa Zara at El Corte Ingles ay nagbulakbol lamang at ni hindi kasama sa mga trabahong dapat sana’y inatupad nila! Anak ng bakang dalaga! Siyanga pala, alam ba ninyo kung gaano kamahal ang paninda sa Zara at El Corte Ingles? Huwag na ninyong alamin dahil hindi naman ninyo kayang bumili dun! Pero singmahal man ng ginto at diamante ang presyo ng mga items doon, balewala sa ating mga kagalang-galang na mambabatas. Meron ngang isang lady solon na taga-Central Luzon na pumakyaw ng nakakalula sa mahal na Louis Vitton bags na parang ipinagmamayabang kung gaano karami ang kanyang pera. Whew! Sinabi pa ng source na kakaba-kaba sila na baka bumagsak ang eroplano ANG PANGULO dahil sa excess baggage ng mga bulakbol na kongresista na hindi na nahiyang magtampisaw sa pera na akala mo’y pinupulot lamang nila. Kung hindi nga lamang masamang ipanalangin, sana nga’y bumagsak na ang sinasakyan nila! *** Sa state visit ni Pangulong Arroyo, merong mga mambabatas na sadyang nagtrabaho at hindi lamang nag-lamiyerda sa Espanya. Kita naman sa mga proyekto at puhunang nakuha na hindi nagpa-picture lamang sa mga magagandang tanawin sa Madrid sina Palawan Congressman Abraham Mitra, Chairman ng Agriculture Committee ng Kongreso at ang kanyang vice Chairman na si Camarines Sur Congressman Dato Macapagal Arroyo. May baon ding negosyo mula sa mga Espanol si Senador Edgardo Angara na siya namang tagapangulo na Komite ng Pagsasaka sa Senado gayundin si Bioman Migz Zubiri. Dahil tinamaan din ng hiya, merong mga kongresista na humirit sa Department of Foreign Affairs (DFA) na makahingi ng kopya ng mga naiuwing biyaya mula sa naturang state visit. Alam ni House Deputy Speaker Girlie Villarosa at kanyang mga kasamang kongresista na dapat nilang makita ang listahan ng mga agri projects para naman makasagot kapag tinanong kung ano ang napala ng kanilang biyahe. Alangan namang puro Spanish sardines at Spanish bread ang kanilang maikuwento sa kanilang mga constituents! Susmariano ka Indo! (tunying016@yahoo.com) |
Website comments and suggestions contact:
Copyright © 2005 Monica Publishing Corporation Best viewed in 1024 x 768 resolution. All rights reserved
|
|||
|
|