Editorial

Misyon Aksyon

Sanggang-diin

Usisero

Ping and Order


 

OPINION

Chacha na naman?


Ang kasalukuyang pamahalaan ay parang tindahang malapit nang magsara. Parang department store na ang kontrata sa pwesto ay papatapos na at hindi na maaring ma-extend, kaya’t nagki-Clearance Sale. Kanya lamang, ang ibinibenta ng palugi, o sa mababang presyo ay pag-aari ng sambayanan. Bina-bargain.

Sa darating na Miyerkules, liban na lang kung ito’y pigilin ng Makati Regional Trial Court, ibi-bidding (kuno!) ang TRANSCO, ang kumpanyang nagmamay-ari ng sistemang nagdadala ng kuryente mula sa generating plants patungo sa mga transformers ng mga kumpanya at kooperatibang nagbebenta ng kuryente sa mga mamimiling tulad natin.

Kung hindi nga lamang at nakasaad sa batas ng EPIRA na minadaling aprubahan ng Kongreso noong 2001 sa isang special session (Hindi pa tayo nakaka-upo bilang halal na senador noon) na isa-pribado ang mga pag-aari ng pamahalaan sa generation, transmission at distribution ng kuryente, hindi sana dapat na ibenta itong Transco.

Sa kasalukuyan ay kumikita ito ng halos 400 milyong dolyares taun-taon. Nguni’t ngayon ay nais pakawalan sa tinatayang mga tatlo hanggang apat na bilyong dolyares na hindi naman agarang babayaran. At tila niluluto na naman kung sino lamang ang pwedeng sumali sa bidding, kung saan napagkasunduan na ng mga makapangyarihan sa pamahalaang ito kung sino ang magwawagi. May mga report tayong natanggap na interesado mismo ang Unang Pamilya, at pinakikialaman nila ang kahihinatnan ng bidding, partikular ang kapatid diumano ni Ginang Arroyo.

Ang ikinukubli sa sambayanan ay itong Transco, liban sa nagdadala ng kuryente, ay maari ding magdala ng komunikasyon. Sa madaling salita, ito na mismo ang pwedeng maging National Broadband Network. Opo, and NBN kung saan pilit na ibig sanang ikontrata sa ZTE, isang korporasyong Tsino, kung saan ang mga kickback ay tinatayang umaabot sa 200 milyong dolyares, o higit sa 8.5 bilyong piso! At tila naka-advance na ang mga sakim na lumuto sa deal na ito. Magkano? Balita natin ay nasa-70 milyong dolyar na ang siyang nai-advance ng kumpanyang ZTE. Kaya’t dapat ay ipagpatuloy ang imbestigasyon dito ng Blue Ribbon Committee ng Senado.

Dito naman sa Transco, sinasabi ng mga eksperto na dapat ay hindi bababa sa anim na bilyong dolyares ang maging presyo nito sa pribadong sector. Nguni’t ang siste ay ibebenta ito ng hindi hihigit sa apat na bilyong dolyares. Dalawang bilyong dolyares ang diperensya --- bilyon! At dolyares pa! Kwentahin ninyo sa piso iyan at malulula kayo.

Sadya yatang walang kabusugan ang mga naglipanang sakim sa pamahalaan. Sadya yatang iba-bargain ang lahat, maging ang 29 porsyentong interes ng pamahalaan sa Meralco, na siyang isusunod sa Transco, malamang sa 2008 tatapusin. Marami pang mga yaman ng sambayanan ang iba-bargain ng kasalukuyang liderato bago mag-2010.

Ang tanong: Ito ba’y dahil magtatapos na ang termino ni Ginang Arroyo, at nais nang kumita nang illegal kaliwa’t kanan? O ito ba’y para patuloy sila sa pamamayagpag, dahil kaya na nilang bilhin ang pagpapa-iral ng patuloy na kapangyarihan?

(pinglacson.blogspot.com and www.pinglacson.com.ph)

 

 

 

 

 

 

Website comments and suggestions contact:

webmaster@abante-tonite.com

publisher@abante-tonite.com

 

Copyright © 2005 

Monica Publishing Corporation

Best viewed in 1024 x 768 resolution.

All rights reserved

 

   

 

Back to top